Certificate of Registration at ID ng Environmental Planner, 3 yrs. lang valid
Dear Chief Acosta, Isa akong rehistradong environmental planner at mayroon akong certificate of registration at professional identification card. Nais kong malaman kung ilang taon ang bisa ng aking professional identification card?
— Quentin
Dear Quentin, Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 19 ng Republic Act (R.A.) No. 10587 na mas kilala bilang “Environmental Planning Act of 2013” kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Section 19. Issuance of Certificate of Registration and Professional Identification Card. – xxx (b) A Professional Identification Card bearing the registration number and its validity and expiry dates duly signed by the Chairperson of the Commission shall likewise be issued to every registrant who has paid the prescribed fees, and has submitted a certificate of membership in good standing from the APO. The said card shall be renewed every three (3) years upon mandatory proof of completion of continuing professional education.” (Binigyang-diin)
Ayon sa nasabing batas, ang mga nakapasa ng licensure examination para sa environmental planner ay mabibigyan ng certificate of registration at professional identification card na may bisa hanggang tatlong (3) taon.
Ito rin ay nararapat ma-renew bawat tatlong (3) taon, kaakibat sa pagbigay ng pruweba na nakakumpleto ang aplikante ng programa ng Continuing Professional Education (CPE) ayon sa umiiral na alituntunin.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.




Comments