Tiniyak ng DTI, walang taas-presyo sa Noche Buena items

Bago pa gumalaw ang presyo ng mga pangunahing bilihin kabilang na ang mga produktong pang-Noche Buena, inunahan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtitiyak na walang taas-presyong ipapataw.
Ayon sa ahensiya, nakuha na nila ang commitment ng manufacturers at ipatutupad ang kautusan hanggang matapos ang 2019. Uulitin lang natin, walang taas-presyo sa mga pangunahing bilihin kaya magiging magaan para sa konsyumer ang mamili ng mga produkto para sa Pasko at maging sa Bagong Taon.
Matatandaang, una nang nabanggit ng DTI na ipapako rin nila ang presyo ng aabot sa 134 produktong pang-Noche Buena ngayong taon.
Kasabay nito ang pagkakaroon ng ‘Nationwide Diskwento Caravan’ kung saan makakabili ang mga Pinoy ng mas murang produktong pang-Noche Buena.
Pagkakataon din ito ng mga magsasaka at livestock raiser para ibida ang kanilang mga produkto at sana bilang mamimili, suportahan at tangkilikin natin sila.
At sa mga pasaway na ipipilit ang pagtaas sa presyo ng kanilang mga paninda, puwede natin silang isumbong sa kinauukulan nang maparusahan sa batas.
‘Ika nga, pare-pareho tayong naghahanapbuhay at apektado sa paggalaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, ang kailangan lang ay maging tapat at huwag abusado.
Panawagan natin sa DTI, sana ay maging aktibo sa pagbabantay sa presyo at kung may mahuling lalabag sa batas ay agad sampulan nang hindi na pamarisan.





Comments