Malas sa una, may second chance pa... Sundalong niloko ni misis, bata at chubby ang totong forever
Maestro Honorio Ong

KATANUNGAN
Ako ay sundalo at noong nadestino ako sa Samar ay nanlalaki ang misis ko at nang nakauwi ako at magbakasyon, natuklasan ko ang ginagawa niyang panloloko. Hindi ko pa alam kung ano ang gagawin ko, kung dapat ba akong makipagbalikan sa kanya o hindi na?
Matapos ko kasi siyang palayasin, umuwi siya sa mga magulang niya na malapit lang din sa bahay namin at iniwan sa akin ang dalawa naming anak. Gusto ko sanang bumalik siya at kausapin, pero ang pinangangambahan ko ay kung magkabalikan kami, baka magloko ulit siya kapag nadestino ulit ako sa malayong lugar.
Naisipan kong kumonsulta sa inyo, Maestro, upang itanong kung ano ang nakikita n’yo sa aking mga palad, kung ang kasalukuyan ko na bang misis ang makakasama ko habambuhay o dapat na akong makipaghiwalay sa kanya at maghanap ng bagong mapapangasawa?
Kasagutan
Kapansin-pansing nabiyak ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, nangangahulugan ito na kung sakaling ipasya mong pabalikin sa bahay ninyo ang misis mo at muli kayong nagkabalikan, lilipas ang isa, dalawa o tatlong taon pa, malaki ang posibilidad na lolokohin ka niyang muli, lalo na kung malalayo ka sa kanila.
Ganu’n ang pag-aanalisa sapagkat sa totoo lang, hindi kayo itinakda upang magsama habambuhay kundi upang magsama nang sandaling panahon lamang. Ito ay dahil ang zodiac sign mong Capricorn ay hindi tugma sa zodiac sign na Libra ng misis mo.
Ibig sabihin, tanggapin mo nang maluwag sa iyong kalooban na hanggang doon na lang ang pagsasama ninyo ng iyong misis dahil mas mahirap na pabalikin mo siya at pagkatapos ay manlalalaki na naman siyang muli.
Samantala, kung maghahanap ka ng ikalawang babae na makakasama mo, isaalang-alang silang mga isinilang sa zodiac signs na Virgo, Taurus, Cancer o kapwa mo Capricorn. Sa piling ng babaeng ito, makasusumpong ka na ng maligaya at panghabambuhay na pamilya na madaling kinumpirma ng maganda, mahaba at mas makapal na ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung minalas ka sa unang pag-aasawa, huwag kang malungkot dahil sa ikalawang pag-aasawa, susuwertehin ka na at habambuhay na liligaya.
Dapat Gawin
Ayon sa iyong mga datos, Mr. Capricorn, tiyak ang magaganap, matapos kayong magkahiwalay ng misis mo, sa 2021 sa buwan ng Oktubre at sa edad mong 41 pataas, muli kang makatatagpo ng panibagong babae na mamahalin, medyo mababa ang height, bata at may pagka-chubby kung saan ang babaeng ito ang nakatakdang makasama mo sa pagbuo ng mas maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments