Ayaw magpakasal sa tatay ng anak… Sigaw ni Empress: Ini-enjoy ko pa ang pagiging malaya

Binuksan ang ika-apat na branch ng milk tea business ni Empress Schuck na King’s Cup Blends sa Robinson’s General Trias, Cavite last Saturday and for the first time, nakasama niya sa grand opening ang kanyang partner na si Vino Guingona.
“Siyempre, support niya sa akin ang pagpunta niya. Pero kasi, mahiyain siya, eh, kaya first time lang niyang naka-attend sa grand opening. Tapos kasi nga, taga-Zamboanga siya. Kahit naman malayo siya, may support naman kami sa isa’t isa. Hindi naman nawawala ‘yun,” paliwanag ni Empress.
Ipinag-drive pa raw siya ni Vino papunta ng Cavite kaya mas na-happy ang feeling ni Empress that time.
Kaibigan ni Vino ang partner ni Em sa negosyo na si Andrei Lim. May limang branches pa raw silang bubuksan before the end of the year at may nakapila pa raw na 17 branches to be opened.
Ayon kay Andrei, wala pa silang makuhang location para sa mga nakapila. Ang next na bubuksan nila na branch ay sa Las Piñas, Pasay, sa Quezon City area at sa Market, Market sa Taguig.
Regarding her showbiz career, freelancer pa rin daw siya sa kuwadra ng manager niyang si Becky Aguila.
“May ibang inquiries, pero so far, wala pang natutuloy. So, hindi ko alam kung bakit hindi natutuloy.”
Isa na d’yan ang movie na nasimulan niyang gawin with Cesar Montano. Hindi na raw siya binalikan ng movie kaya nanghihinayang si Empress.
Samantala, nagsalita rin siya about sa dami ng naganap na marriage proposal sa showbiz lately. “Oo nga, ‘no? Si Sarah Geronimo, si Sheena Halili — kay Tita Becky din siya, eh — si Ate Val (Valerie Concepcion), si Angel (Locsin),” kinikilig pang sabi ni Empress.
Kaya tinanong namin si Empress kung kailan naman kaya siya yayayain ng kasal ni Vino.
“Hayaan natin sila. Huwag tayong makipagsiksikan. Hahaha!”
Hindi pa raw handa si Empress na lumagay sa tahimik.
“Feeling ko kasi bata pa ako. Kasi, ewan ko. Siguro kasi, ngayon ko pa lang nararanasan ‘yung magganito. Kasi dati naman, nandoon lang ako sa poder ng nanay ko. Lahat ng desisyon, siya. So, never ako naka-experience magkaroon ng desisyon. So, ngayon, parang ini-enjoy ko ngayon, eh, ‘yung freedom ko. So, nand’yan naman siya, naka-support sa akin, okey naman kami, so, mag-wait muna kami. Hindi naman kami nagmamadali.”
Eh, kailan kaya ang plano ni Empress na magpakasal?
“Kung 26 ako ngayon, ‘di ko alam. Baka 40, hahaha! Feeling ko mas marami pa akong gagawin sa mga susunod na taon, eh.”
Payag kaya si Vino na mag-wait?
“Kaya niya ‘yan. Hahaha! Eh, kung mahal niya talaga ako, hihintayin niya ako, ‘di ba?”
Sa ngayon, ayaw pa rin daw muna niyang sundan ang baby girl nila ni Vino na si Athalia.
“Nai-enjoy ko pa siya, eh. Saka parang hindi pa rin siya ready. Tinatanong ko siya, ‘You want a baby sister? Baby brother?’” tanong ni Empress kay Athalia na nakakalong sa kanya.
“Umiling, hindi raw. Feel na feel pa kasi niya ang pagiging solo baby sa family namin, eh,” sabi pa ni Empress.





Comments