top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mga perhuwisyong batang-hamog, aksiyunan, ‘wag ibeybi!

  • Editoryal
  • Nov 17, 2019
  • 2 min read

Kasabay ng kapaskuhan, lalong nagkalat ang mga batang-lansangan na kung tawagin ay batang-hamog.

Kung dati, hanggang kalabit lang sila at tahimik na aalis kapag hindi nabigyan, ngayon iba na. Bigla silang naging marahas at hindi ka tatantanan hangga’t wala silang nakukuha.

May pagkakataong durumugin ka ng mga batang ito, yayakapin saka tatangayin ang puwedeng makuha tulad ng wallet, cellphone at iba pa. Wala ka nang magawa dahil kinuyog ka na. Hindi mo naman mahabol dahil sa takot na baka mapahamak ka pa o sila, lalo na kung sa kalsada umaatake na maraming sasakyan ang dumaraan.

Gawain pa rin nila ang pagsampa sa mga jeep, mag-aabot ng sobre at kapag wala kang inilagay kahit barya, yari ka. Ang iba sa kanila ay nandudura, nananabunot, nanghahampas o mumurahin ka sabay takbo. Malas mo pa kapag may natangay mula sa‘yo tulad ng pagkain, cellphone o bag. Pati jeepney driver, hindi pinatatawad, ‘yung lagayan ng barya, minsan ay dinadale rin nila.

Gayundin sa mga pribadong sasakyan. Dati, kakatok lang sila, kakanta at maaaliw pa ang motorista kaya nag-aabot. May pagkakataon pa na ibini-video para matulungan ng iba. Eh, ngayon, pagbukas mo ng bintana ng sasakyan, talagang ipapasok na nila ang kamay pati ulo para siguradong may makuha.

Ilan lamang ito sa mga kinasasangkutan ng mga batang-hamog na malinaw na pangha-harass at mahirap kontrolin. Pagdaramputin man ngayon ng mga awtoridad, bukas o sa mga susunod na araw, balik-lansangan na naman sila at mamemerhuwisyo. Hindi lang sila lantad sa pananakit at pagnanakaw, ang iba sa kanila ay nasa impluwensiya na rin ng bawal na gamot, mga katropa ng solvent at rugby boys.

Ang nakapagtataka, sa tagal na ng problemang ito, bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin masolusyunan? Pero, noong may mga special event na tulad ng APEC Summit at nang bumisita si Pope Francis, nawala sa eksena ang mga batang-hamog at iba pang palaboy — dinala sa resort at may pa-cash pa para umupa ng pansamantalang tirahan habang nasa bansa ang mga delegado-bisita.

Hindi ‘band-aid solution’ ang kailangan sa problemang ito kundi pang-forever. Kailangan nang magkaroon ng malinaw na programa ang gobyerno, partikular na ang DSWD kung paano tuluyang ‘mawawalis’ sa lansangan ang mga batang-hamog lalo na kung may pondo naman.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page