Saku-sakong barya at niyog sign na yayaman sa negosyo
- Socrates Magnus
- Nov 16, 2019
- 1 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Marites_ Plares@facebook.com
Dear Professor, Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko? Naghukay ako ng lupa, tapos nakakuha ako ng maraming barya at karamihan ay mga barya na lumang dalawang piso na may niyog. Tapos, pahaba ‘yung ginawa kong hukay at may nahukay din akong saku-sakong coins na tigdadalawang piso.
Naghihintay, Marites
Sa iyo Marites, May kani-kanyang mundo ang bawat tao. At ayon sa iyong panaginip, ang sarili mong mundo ay sa negosyo dahil ang mga barya sa panaginip mo ay simbolo ng negosyo.
Ayon sa tunay na pag-aaral, ang tao ay ginawa mula sa lupa kaya ang panaginip mong naghuhukay ka ng lupa ay nagsasabing, hukayin mo ang sarili mo, kumbaga, suriin mo ang iyong pagkatao, hanapin mo ang magagandang katangian mo at matutuklasan mo na ikaw ay may kakayahang yumaman sa pagnenegosyo.
Ang mga lumang barya ay sumisimbolo sa mga lumang patakaran sa negosyo.
Halimbawa, dapat maging masinop, matipid, kuripot o madamot ang nagnenegosyo.
Gayunman, ang niyog ay simbolo ng masaganang buhay.
Dahil dito, ang kabuuang kahulugan ng iyong panaginip ay nagsasabing, makakamit mo ang masaganang buhay sa pagnenegosyo.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo




Comments