Sirang daan ang ayusin, ‘wag sirain ang matino para pagkakitaan
- BULGAR

- Nov 15, 2019
- 1 min read
Bilang solusyon pa rin sa matinding trapik, isa sa mga inihihirit ay gawing Mabuhay Lanes o express routes ang lahat ng kalsada sa Metro Manila.
Ginawa ang Mabuhay Lanes upang magsilbing ‘bypass road’ o alternatibong kalsada na maaaring baybayin ng mga motorista sa halip na dumaan sa EDSA na itinuturing na ngayong mahabang parking lot sa Kamaynilaan.
Ang problema, madalas ding magsikip sa naunang express routes dahil sa illegal parking, bangketang ginawang tindahan, tambayan at kung anu-ano pang sagabal. Idagdag pa ang tila hindi matapus-tapos na pag-aayos ng mga kalsada.
Nakapagtataka, ‘yung sobrang ayos na mga daan na walang bahid ng lubak, eh, pinagbubutas, binakbak para raw ayusin. Ayusin ‘yung maayos naman?
Ang masaklap, marami na ang naabala at naperhuwisyo, hindi pa rin tapos. Hay komisyon, este, konsumisyon talaga!
Nasasayang hindi lang ang oras kundi maging ang pagkakataon na sana ay ginamit ang pondo sa dapat paggamitan. Maraming kalsada hindi lang sa mga probinsiya kundi maging dito mismo sa Metro Manila ang maraming taon nang napabayaan. Tipong tatlong mayor na ang dumaan na pare-parehong nangako na aayusin hanggang sa natapos na lang ang termino nila, sira pa rin ‘yung kalsada. ‘Yung pangako, napako habang ‘yung pondo, naibulsa? Nagtatanong lang po.
Tandaang, ang maayos na kalsada ay susi sa magandang daloy ng trapiko at ng kabuhayan. Huwag nang pasukan ng politika at korupsiyon, utang na loob!





Comments