Iniwan ng mister na may iba nang labs, dapat na ring magmahal ng iba
- Maestro Honorio Ong
- Nov 14, 2019
- 2 min read
Maestro Honorio Ong

Katanungan
Wala na akong mapaglibangan kundi pag-e-FB at pakikipag-chat. Naghiwalay na kami ng asawa ko, pero aaminin ko na hanggang ngayon ay mahal na mahal ko pa rin siya. Mula nang nag-abroad siya, isang beses lang siyang umuwi hanggang sa mabalitaan kong nasa iba na siyang kandungan.
Noong una masakit talaga, pero unti-unti ko na ring natanggap na minalas ako sa pag-aasawa at naisip ko, kung hindi siya maligaya sa akin at hindi na niya ako mahal, wala naman akong magagawa. May trabaho naman ako kaya wala na akong pakialam sa kanya at kaya ko na ring buhayin ang sarili ko at dalawa naming anak.
Tanggap ko na ang nangyari sa aking kapalaran at isa na lang ang problema ko. Paano ko titiisin ang kalungkutan kapag sumasagi sa isip ko ang pag-iisa? Sa edad kong 33, alam kong kaya ko pang mag-asawa at makatagpo ng lalaking magmamahal sa akin habambuhay.
Pero naisip ko, sa pagkakataong ito ay hindi na dapat ako magkamali. Alam kong kayo ang makatutulong sa akin upang malaman ang aking magiging kapalaran at kung paano ko matatagpuan ang lalaking magmamahal sa akin nang tapat at makakasama ko habambuhay? Sana, matulungan n’yo ako upang magkaroon din ako ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.
Kasagutan
Tama lang na buksan mong muli ang iyong puso, umibig kang muli at magmahal dahil sa ganyang paraan, muli mong mapipitas ang ligayang hindi naipalasap sa iyo ng mister mong nasa iba nang kandungan.
Ayon sa guhit ng iyong mga palad, tiyak ang magaganap, makasusumpong ka rin ng karapat-dapat na lalaking inilaan sa iyo ng kapalaran, na siya ring nais sabihin ng ikalawa at mas malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong puso.
Ang dating kabiguan sa pag-aasawa ay hindi na muling mauulit upang sa ikalawang pakikipagrelasyon, mapatutunayan ang tunay at talagang dapat mangyari sa mga tulad mong lumalaban at nakatatanggap ng reyalidad ng buhay ay ang magmahal nang magmahal at pagkatapos ay lumigaya.
Mga Dapat Gawin
Karen, tunay ngang may rason upang muling magmahal dahil hindi ka nilikha para malungkot, hindi ka nabubuhay para mangulila at manghinayang sa mga nagdaang kabiguan at pagkakamali sa unang pag-aasawa, bagkus, nilikha ka upang lumigaya.
Muli kang umibig at ayon sa iyong mga datos, nakatakda mong matagpuan ang ikalawang lalaking makakasama mo sa maligaya at panghabambuhay na relasyon sa 2020 sa buwan ng Mayo at sa edad mong 34 pataas. Muli, iibig ka at habambuhay na liligaya, hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra.




Comments