top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Isinuko na ang virginity sa BF pero hindi makakatuluyan dahil iba ang soulmate

  • Maestro Honorio Ong
  • Nov 12, 2019
  • 2 min read

Maestro Honorio Ong

Katanungan

  1. Ang boyfriend ko na ba ang makatutuluyan ko kasi parang mag-asawa na kami at hindi naiiwasang may mangyari sa amin at habang tumatagal ay lalong dumadalas? Mahal na mahal namin ang isa’t isa.

  2. Kaya lang, minsan ay natatakot akong mabuntis, pero sinabi niya na magpapakasal kami agad kung mabubuntis ako.

  3. Nais kong malaman kung tototohanin ng boyfriend ko ang kanyang pangako at kami na kaya ang magkakatuluyan?

Kasagutan

  1. Ang pinakamabuti mong magagawa ngayon ay dumistansiya ka nang bahagya sa boyfriend mo dahil posibleng hindi kayo magkatuluan kung siya ang first meaningful at long engagement mo.

  2. Oo, sapagkat ito ang nais ipahiwatig ng medyo nag-split o nabiyak na unang Marriage Line (1-M arrow a.) kung ikukumpara sa ikalawang mas malinaw, makapal at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) na madaling kinumpirma ng naputol na parang nabiyak at nagkabilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda ng matinding kabiguan sa pag-ibig ang darating sa iyong karanasan upang pagkatapos nito, sa ikalawang pakikipagrelasyon ay medyo matuto ka na ng leksiyon, na hindi porke nagka-boyfriend ka ay bibigay ka nang bibigay kahit hindi ka sigurado na siya na ang mapapangasawa mo at makakasama habambuhay.

  3. Sa madaling salita, Aira, kung hindi ka pa nabibigo sa pag-ibig, may posibilidad na sa kasalukuyan mong boyfriend magaganap ang matinding kalungkutan na nais ipahayag ng pumangit na Heart Line (h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Pero pagkatapos ng kabiguang ito, ang ikalawang mas magandang Marriage Line (2-M arrow b.) at naayos at gumanda ring Heart Line (h-h arrow d.) sa gitna hanggang sa dulong bahagi ng kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabing, sa ikalawang pakikipagrelasyon, sa lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.

Mga Dapat Gawin

  1. Kung madalas na kayong nagtatalik ng boyfriend mo at natatakot kang mabuntis, mabuting umiwas ka na sa kanya dahil hindi siya ang iyong mapapangasawa, higit lalo kung siya ang una mong seryoso at totohanang nobyo.

  2. Samantala, ayon sa iyong mga datos, sa ikalawang pag-ibig at pakikipagrelasyon hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini, matatamasa mo na ang mas maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya na nakatakdang mangyari ngayong taon sa edad mong 24 pataas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page