top of page

Bumili ng putol na bracelet, sign na dapat gumawa ng paraan para makuha ang gusto

  • Socrates Magnus
  • Nov 12, 2019
  • 2 min read

Salaminin natin ang panaginip ni Edna ng Edna_Jambalos@face-book.com

Dear Professor, Nasa mall kami ng kaibigan ko, pero hindi ko maalala ‘yung pangalan ng mall at doon daw ako madalas mamili. Gayundin, hindi ko pa nakikita sa totoong buhay ‘yung mall na ‘yun. May binili akong bracelet, pero nang ibibigay na nu’ng lalaking cashier, putol ‘yung bracelet kaya sinabi ko na aayusin ko muna bago ko bayaran. Tapos putol pa rin nang ibinigay niya at may nakalagay sa bracelet na “3rd Christ”, as in, pangatlo raw. Financially stressed ako kaya palagi akong humihingi ng pinansiyal na tulong sa Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Salamat!

Naghihintay, Edna

Sa iyo Edna, Naku, hindi yata puwedeng humingi ng pera kay God, pero puwedeng humingi ng kahit anong uri ng tulong kaya ipagpatuloy mo lang ang iyong pagdarasal.

Tulad ng madalas nating ibinabahagi rito sa kolum, ang tao ay mananaginip na may kaugnayan sa langit, Diyos, anghel, santo at iba pang banal na mga personalidad.

Ito ang dahilan kung bakit napanaginipan mo na binigyan ka ng bracelet na may nakasulat na 3rd Christ.

Ibig sabihin, mukhang hopeless ka na parang iniisip mo at hindi ka pinakikinggan ni Lord.

Maganda sigurong maipaalala sa iyo na ang sabi ng marami, kapag hindi mo nakuha ang request mo sa langit, maghintay ka lang dahil wala pa ang tamang panahon.

Parang bola man ito o pampasaya lang, maganda rin na paniwalaan ito dahil ibinibigay ng nasa itaas ang kahilingan ng mga taong hindi nawawalan ng pag-asa.

Ayon sa mga nag-aral ng mga tunay na katuruan ni God, tayo ay binigyan ng kamay, paa, puso at isip para makuha natin kung ano ang gusto natin.

Gayundin, hindi ibibigay ni God ang mga ito sa tao kung ang “spoon feeding” ang gagawin Niya sa atin, kumbaga, hindi na tayo gagalaw dahil Siya lang ang kikilos para sa ating mga pangangailangan.

Alam mo, iha, kaya sira o putol ang bracelet sa panaginip mo at ibinigay pa rin sa iyo dahil binibigyang-diin nito na kailangan mo pa ring kumilos para makuha ang gusto mo, kumbaga, ayusin mo ang bracelet at buuin mo.

Ibig sabihin, ang bracelet ay nagsisilbing lucky charm at dapat kang gumawa ng paraan para magamit mo ito kahit sira.

Ito ay nagpapatunay na kailangang kumilos ang tao sa kabila ng katotohanang nasa atin ang mga ibinibigay ni God.

Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page