Nakakatakot na raw kunin sa concert, 'pag tinopak, biglang ayaw na… Sigaw ni Jobert: Morissette,
- Vinia Vivar
- Nov 8, 2019
- 5 min read

Umuusok sa galit kay Morissette Amon ang mga kasamahang reporters na nakasaksi sa pagwo-walkout ng singer sa birthday concert ng baguhang singer na si Kiel Alo titled Ako Naman last Wednesday night (Nov. 6) held at Music Museum.
Nag-viral agad sa social media ang insidente at kani-kanyang post ang mga reporters na nandu’n. Kinokondena nila ang sobrang pagka-attitude at pagka-unprofessional ni Morissette.
Isa si Morissette sa mga guests ni Kiel that night at dumating naman ang female singer and in fact, na-interview pa ng ABS-CBN reporter na si Mario Dumaual bago nagsimula ang show.
Ayon sa mga posts na nabasa namin, tila hindi nagustuhan ni Morisette ang mga tanong tungkol sa kanyang ama at pagkatapos daw nito ay pinag-uuntog na ng singer ang kanyang ulo sa dingding hanggang sa maya-maya ay nag-walkout na.
Na-interview na rin ng mga kasamahan that night ang producer ng show at manager ni Kiel na si Jobert Sucaldito na galit na galit din of course sa ginawa ni Morissette. Sa galit nga ay hindi raw nito napigilang mapaiyak.
Kinabukasan ay naglabas si Jobert ng kanyang statement at bersiyon ng totoong nangyari nang gabing ‘yun.
“Dami nang naglalabasan tungkol sa ‘di pagkanta ni Ms. Morissette Amon sa birthday concert ng alaga kong si Kiel Alo sa Music Museum last night (November 6, 2019). Medyo nakakagulat at nakaka-shocked para sa aming lahat sa production ang mga naglalabasang dahilan.
“Kaya here I am, masakit man sa loob ko to tell you the real story dahil sobrang mahal ko si Ms. Morissette, pero kailangan kong sabihin ang totoo,” bungad ni Jobert sa kanyang post.
Patuloy ng movie columnist/talent manager/producer, bago magsimula ang show ay na-interview nga ni Mario si Morissette kasama si Kiel at wala raw siyang nakitang masama sa mga tanong ng TV reporter.
“Part of the question ni Mario ay ang tungkol sa love life niya, pero very casual na hindi naman bombarding at sinagot naman niya nang maayos. Then, sabi nga ni Mario, sana raw ay magkaayos na sila ng family niya and Morissette said na ‘I’m praying po na maayos din ang lahat. In time,’ and basically wala na. In short, hindi naman masama ang pagtatanong ni Mario Dumaual - very decent, clean and simple,” kuwento ni Jobert sa kanyang post.
Hanggang sa nagsimula na ang concert. Bandang dulo pa raw ang number ni Morissette kaya nag-request daw ang manager ng singer na kung puwede ay ilagay na ito sa bandang unahan ng show dahil dadalo pa raw sa birthday celebration ni Moira. Pero ipinaliwanag daw niya na naka-sequence na ang program kaya mahirap nang baguhin.
“A few minutes after, mga 3rd song na ni Kiel ay biglang hinila ako ni David (manager ni Morissette) sa labas ng theater at meron daw siyang malaking problema. ‘Hindi kayang kumanta ni Morissette, Tito. Mugtung-mugto na ang mata sa kaiiyak. She’s so devastated,’ bungad ni David sa akin. I asked why. She felt so attacked daw sa ambush interview ni Mario Dumaual sa kanya,” dagdag na kuwento ni Jobert.
Pero ani Jobert, wala naman siyang nakitang mali sa interview ni Mario kay Morissette kaya nagtaka siya sa inasal ng singer.
“Ang pakiusap ni David ay kailangang umuwi raw ni Morissette dahil sobrang sama ng loob at pakiramdam. After a while ay nakita ko si Morissette sa backstage na humahagulgol at inuuntog ang ulo sa dingding. Na-shocked ako dahil paulit-ulit niyang inuuntog ang kanyang ulo. What’s wrong with this girl? ‘Kaloka!” pahayag pa ni Jobert.
“I asked David kung what’s the best thing to do. I gave him options - kahit isa na lang ang kantahin ni Morissette ‘kako at manghingi na lang ng apology sa audience dahil masama ang pakiramdam niya. David said na hindi raw talaga kaya. Ibabalik na lang daw nila ang ibinigay kong honorarium. Sabi ko, it’s not even about the honorarium - ang sa akin lang ‘kako ay we have to save our faces to our audience.
“May mga bumili ng tickets dahil excited silang mapanood si Morissette sa show with Kiel. Nagbigay pa ako ng another option - kung hindi talaga ‘kako makakakanta si Morissette, pumasok na lang siya sa stage and mag-apologize to the audience. Hindi rin daw puwede. ‘Ako na lang aakyat sa stage, tito, at mag-a-apologize sa audience,’ David suggested.
“Umokey pa rin ako kasi wala naman na akong choice pero dapat katabi niya ‘kako si Morissette para makita ng mga tao na dumating nga siya sa Music Museum dahil kung siya (David) lang ang makikita ng tao sa stage ay useless ‘yun dahil hindi naman siya kilala ng public. Ayoko ‘kakong isipin ng audience and sponsors ko na niloko namin sila - na ginamit ko lang ang name ni Morissette para makabenta. Hindi kami ganu’n. And you know ‘kako, lahat naman tayo ay may kani-kanyang mabibigat na problema, pero ‘pag committed tayo, the show must go on. Mabait pa nga ako dahil kung iba ‘yun, hindi talaga papayag.
“I advised David na after ng production number ng boys (Kiel, Carlo Mendoza, Kyle Matthew Manalo and LA Santos) ay magbo-voice over ako backstage to introduce David and Morissette para sa kanilang emergency announcement and apologies. Ang ending, napilitan tuloy akong lumabas sa stage and started to apologize sa audience telling them na for some emergency health reasons ay ‘di nga makakakanta si Morissette - walang lumalabas na boses sa kanya and tinawag ko na silang dalawa. Si David lang ang lumabas sa stage at nag-apologize.
“Nakiusap akong ipakita si Morissette sa tao, kahit sa gilid lang ng stage para ‘di sila magalit siyempre sa akin. Hayun at nakitang humahangos si Morissette papalabas sa venue sa gilid na galit ang mukha. Nakuhanan nga siya ni Maine Nieto ng video na tumatakbo papalabas,” patuloy pa ni Jobert.
Para sa manager ni Kiel, malinaw na kabastusan ang ginawa ni Morissette.
“What have I done to her to deserve this? Hindi madali ang mag-organize ng event - hindi biro ang mag-conceptualize to give them nice exposures. Mahirap po magbenta ng tickets - baka akala nila, madali.
“We work so hard para makapagtawid ng kahit maliit pero matinong show. Hindi man lang kami iginalang ni Morissette - nabastos niya kaming lahat with this. Saan ang paggalang niya sa mga seniors ng show, kay Tito Jun Polistico, kay Ms. Eva Eugenio, kay Tito Butch Miraflor? Kay Kiel Alo na pinaghandaan talaga ang duet nila ni Morissette? Sa mga co-artists niya? sa mga tao behind the production and most of all, to the audience na kahit sobrang traffic ay dumating para mapanood sila? Ano’ng ginawa mo, Morissette? Paano mo mari-redeem ang sarili mo with this self-destruction?
“With what you did Morissette, sana, may kumuha pa ng serbisyo mo. Nakakatakot ka palang kunin for shows dahil ‘pag nag-tantrums ka, basta ka na lang aayaw on the spot. That’s not fair - grossly unfair,” ang pagtatapos pa ni Jobert.





Comments