Ipinagpalit ng mister sa mas bata, babalikan din para mabuo ang pamilya
- Maestro Honorio Ong
- Nov 8, 2019
- 2 min read

Maestro Honorio Ong
Katanungan
Nagkahiwalay kami ng asawa ko at itatanong ko lang kung magkakabalikan pa ba kami?
Tatlong buwan na siyang hindi umuuwi ng bahay at ang balita ko ay sumama na siya sa ibang babae na mas bata raw sa akin, pero hindi ako sigurado kung totoo ‘yun dahil wala naman akong ebidensiya at puro bali-balita lang.
Ano ang dapat kong gawin upang bumalik siya sa amin, alang-alang man lang sa mga bata?
At kung hindi na siya babalik, may guhit ba sa aking palad na nagsasabi na ako ay makapag-aasawa ulit at sa ikalawang pag-aasawa, may pag-asa pa kaya akong lumigaya at hindi na lolokohin?
Kasagutan
Huwag ka nang malungkot sa pambababae ng mister mo dahil bagama’t, tila dalawa ang namataang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kapansin-pansin din na halos magkasinghaba ito at halos pareho ng kapal at halos magkalapit (arrow a. at b.).
Ibig sabihin, posibleng ang ikalawang Marriage Line (2-M arrow b.) ay ang dati mo ring asawa kung saan pagkatapos mambabae at makipaghiwalay sa iyo, magpapasya rin siyang bumalik upang muli niyang buuin ang pamilya na nasira niya.
Ang pag-aanalisang napakalaki pa ng tsansa na kayo ay magkabalikan ng iyong mister ay madaling kinumpirma ng lagda mong hindi nababoy, sa halip ay suwabeng-suwabeng isinulat mula sa umpisa, gitna at dulong bahagi ng lagda. Ibig sabihin, kahit namumroblema ka ngayon, hindi ito ganap na makaaapekto sa buong kasaysayan ng buhay mo dahil tulad ng maganda mong lagda, muling maaayos at gaganda ang buhay ng iyong pamilya sa pagbabalik ng iyong mister.
Dapat Gawin Daisy, ayon sa iyong mga datos, kahit magkahiwalay kayo ng iyong asawa, pansamantala lamang ito dahil ngayong taon, ngayong buwan ng Nobyembre o Disyembre, tiyak ang magaganap, muling babalik sa iyong piling si mister upang muling mabuo at habambuhay nang lumigaya ang inyong pamilya.




Comments