top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Edukasyon at trabaho para sa mga out-of-school youth

Sonny Angara
Nov 2, 2019
3 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Minsan, nakabasa tayo ng kuwento tungkol sa “eyeball date” na nangyari sa malayu-layong probinsiya. Ang kuwento, tungkol sa “text friends” o ‘yung hindi mo alam kung ano ‘yung hitsura ng makaka-date mo dahil parang virtual lang ‘yung friendship.

Diretso tayo sa gist ng istorya. Noong magkita na ang dalawa, hindi raw makatingin nang diretso ‘yung babae at halos hand signs lang. ‘Yung ngiti, masyadong tipid na tipid. So, to break the ice, nakaisip ng joke ‘yung lalaki. ‘Yung alam niyang matatawa ‘yung babae para mawala ‘yung tension.

Nagtagumpay naman siya at talagang hindi nakapagpigil ‘yung babaeng ka-date at natawa nang todo. At doon niya nalaman kung bakit ayaw nitong halos ibuka ang bibig — marami palang gap at medyo hindi na kagandahan ang hangin galing sa loob.

Ang punto natin, marami pala talaga sa mga kababayan natin ang hanggang ngayon ay walang access sa dental health.

Sa datos ng Philippine Prosthodontic Society, lumalabas na noong 2016, mahigit 7 milyong Pinoy ang hindi nagpapa-check-up sa dentist dahil sa takot na gumastos. May paniwala silang masyadong magastos ang magpadentista.

At sa kasalukuyan, higit 92 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas, nagdurusa sa kanilang mga bulok na ngipin, habang 78 percent ang may mga gum disease o sakit sa gilagid.

Nakakalungkot namang dahil walang pera o budget para sa dentista, hinayaan na lang nilang masira ang kanilang ngipin. Marami tuloy sa mga kababayan nating ito ang napakababa ng self-confidence at tila lalong ikinakahiya ang sarili.

Mayroon tayong isinusulong na batas ngayon, ang Senate Bill 962 na naglalayong lumikha ng dental health unit sa bawat rural health center sa bansa. Pangangasiwaan ito ng Department of Health (DOH) para matiyak na kahit ang pinakamahihirap nating mga kababayan sa probinsiya ay maalagaan ng mga dentista. Malaking problema ito kung hindi agad mareresolba.

Kadalasan, nagiging dahilan pa ng pagliban sa trabaho at sa klase ang matinding pagsakit ng ngipin. Napakasakit naman nu’ng matanggal ka sa trabaho dahil lang sa bulok ang ngipin mo o bumagsak ka sa klase dahil sa ganitong dahilan.

Kaya umaasa tayong sa pamamagitan ng ating panukala, na inaasahan nating maisasabatas para sa kapakanan ng ating mga kababayan, masosolusyunan ang suliranin sa dental health na isa sa mga dahilan ng mababang moral ng tao.

◘◘◘

HINDI ibig sabihin na porke out-of-school o naligaw ng landas ang isang kabataan ay doon na natatapos ang kanyang pag-asa — may natitira pang liwanag sa kanyang buhay.

Sa pamamagitan ng ating panukala, ang Senate Bill 1090, palalakasin nito ang mandato ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga batas at programa na naglalayong bigyan ng iba’t ibang oportunidad ang mga out-of-school youth (OSY) sa bansa.

Kabilang dito ang mga tulong-pang-edukasyon, employment at entrepreneurial assistance mula sa Department of Education (DepEd), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE) at mula sa iba’t ibang local government units.

Sakop din ng panukala nating ito ang mga kabataang dumanas ng samu’t saring pang-aabuso tulad ng sexual at physical abuse, mga naging biktima ng illegal recruitment, prostitusyon, digmaan at maging ang mga OSY na naging outlaws.

Hindi natin hahayaang masira nang tuluyan ang kinabukasan ng mga kabataang hindi nabigyan ng pagkakataong makapag-aral dahil sa kahirapan.

Tulad ng ating namayapang ama, si dating Senador Edgardo Angara, kabataan ang pangunahin nating prayoridad na bigyan ng magandang kinabukasan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page