top of page

Mas nakakatakot kesa sa multo... Mga dahilan kaya kinatatakutan ang rejection. pagtanda, kamatayan e

  • Twincle Esquierdo
  • Oct 30, 2019
  • 3 min read

Normal lang na magkaroon ng kinatatakutan. At dahil palapit na nang palapit ang Undas, uso na naman ang mga nakakatakot na palabas, trick or treat at maraming iba pang pakulo ngayong panahong ito.

Pero alam ba ninyo na hindi lang mga multo, engkanto o mga masasamang elemento ang kinatatakutan ng tao? Ito ay dahil ang mga karanasan sa buhay ay maaari ring magdulot ng takot. Anu-ano ang mga ito?

1. IPIS. Ito ang numero-unong kinatatakutan ng karamihan sa atin, lalo ng mga babae, pero minsan, may lalaki rin. Ha-ha-ha! Malayo pa lang, tinitilian na ito hindi dahil para silang nakakita ng guwapong artista kundi dahil natatakot sila na madapuan nito kapag lumipad. Binansagan din silang “ipis na feeling butterfly” dahil tuwing lumilipad ito ay tila butterfly na kaygandang pagmasdan. Gayunman, ayon sa matatanda, lumalabas ang mga ipis tuwing malapit nang umulan.

2. REJECTION. Sino ba ang may gustong ma-reject, ‘di ba? Tulad ng rejection sa paghahanap ng trabaho, buhay-pag-ibig at marami pang iba. Ito ay dahil sa mind set na ‘kapag na-reject ka, hindi ka karapat-dapat’. Mga besh, hindi sa lahat ng pagka-kataon ay negatibo ang rejection dahil minsan, ito ang paraan para malaman na may mas magandang bagay na nakalaan para sa atin.

3. MAWALA SA ITAAS. Yes, besh! Ang pananatili sa itaas tulad ng posisyon sa trabaho o pagiging Top 1 sa klase. Para sa iba, ang pagkakaroon ng mataas na posisyon sa trabaho o pagkakaroon ng pinakamataas na grado ay paraan para respetuhin ng mga kasama kaya kinatatakutan nila ang pagkawala sa itaas. Mga beshies, tandaan natin na ang respeto ay ibinibigay sa taong karapat-dapat, anuman ang kanilang posisyon o katayuan sa buhay.

4. MAGTIWALA. Naranasan na ba ninyong magtiwala pero nasira? Awww! Kapag nangyari ito, natatakot na tayong magtiwalang muli, lalo na sa taong nakasira nito. Totoo ang sinasabi nila na kapag nasira ang tiwala, hindi na ito maibabalik pa kaya minsan, kahit hindi tayo ginawan ng masama ng tao ay nahihirapan pa rin tayong magtiwala dahil sa takot na masira lang ito.

5. MAGING MALUNGKOT. Mabigo sa relasyon, bumagsak sa klase at mawalan ng trabaho at kawalan ng pag-asa, ilan lang ang mga ito sa dahilan kaya nalulungkot tayo. Oks lang naman malungkot at hindi ito dapat katakutan dahil hindi naman perpekto ang buhay natin. Bagama’t, hindi ito naiiwasan, maraming paraan para mawala ang lungkot tulad ng pakikipag-usap sa mga kaibigan, paggawa ng mga hilig at panonood ng nakakatawang videos sa internet.

6. MAGKAROON NG SAKIT. Lahat tayo ay takot magkaroon ng kahit anong uri ng sakit dahil hindi nawawala ang posibilidad na lumala ito. Gayunman, sa halip na matakot magkasakit, pagtuunan ng pansin ang kalusugan nang sa gayun ay maiwasan ito.

7. PAGTANDA. Bagama’t, tanggap na ito ng iba, marami pa rin ang natatakot. Sa totoo lang, hindi ito dapat katakutan dahil sa ating pagtanda, masasabi nating marami na tayong pinagdaanan sa buhay. At kasabay nito, nalilimitahan na rin ang mga puwedeng gawin dahil nakararanas na ng panghihina ng katawan, paglabo ng mga mata, paghina ng pandinig at iba pa. Sa totoo lang, ‘yung iba ay nagmamadali pa ngang tumanda para magkaroon na ng senior citizen card. Ha-ha-ha!

8. KAMATAYAN. Sabi sa aklat ng Hebrews 9:27, kinatatakutan ng lahat si Kamatayan dahil hindi alam ng tao kung ano ang mangyayari kapag siya ay namatay na. Totoo naman ito, pero kung tinanggap mo si Kristo bilang Diyos at tagapagligtas ay hindi ka matatakot dito dahil alam mo kung saan ka pupunta.

Gayundin, lahat tayo ay mamamatay din balang-araw kaya ang dapat nating gawin habang nabubuhay ay mag-enjoy at gumawa ng mabuti at tama.

Ilan lamang ito sa ating mga kinatatakutan na dapat nating paghandaan, harapin at solusyunan dahil hindi dapat ipagsawalambahala ang mga ito. Kung magpapalamon ka sa takot, siguradong pagsisisihan mo ito, pagdating ng panahon. Copy?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page