top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

Mga balo ng mga namatay na sundalo, pasok na rin sa AFP

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 25, 2019
  • 2 min read

Mahigit dalawang taon na ang nakalilipas nang maganap ang giyera sa Marawi.

Halos 1, 000 katao ang namatay at malaking pinsala ang naiwan makaraang sakupin ng Maute at ISIS ang lungsod. Bukod sa mga terorista, kabilang din sa mga namatay ang ilang tropa ng pamahalaan.

At upang maibsan ang pagdadalamhati sa pagkamatay ng kanilang mga asawang sundalo, ang ilang maybahay ay sumanib na rin sa military.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), miyembro na ng militar sina Private Grace P. Allaga, asawa ni dating Corporal Ardnie R. Allaga mula sa 10th Infantry Battalion; Private Merzie G. Rogador, misis ni Private First Class Eldon C. Rogador, mula sa 51st IB at Private Christine Mary E. Montero, na misis naman ni Corporal Marjone G. Montero, mula sa 51st IB. Sila ay sumali sa AFP sa pamamagitan ng special enlistment sa 1st Infantry Division ng Philippine Army.

Kabilang sila sa 649 na bagong commissioned privates sa 1st at 11th Infantry Divisions, ganundin sa 55th Engineering Brigade na nagtapos ng four-month candidate soldier course kamakalawa sa Labangan, Zamboanga del Sur.

Sa pagiging sundalo, gahibla lang ang pagitan ng buhay at kamatayan kaya hindi matatawaran ang kanilang pag-aalay ng sarili para sa bayan. Humahanga rin tayo sa kanilang pamilya at mga mahal sa buhay na tanggap ang sitwasyon.

At sa mga balo ng mga namatay na sundalo, maaaring personal ang isa sa kanilang dahilan sa pagpasok sa military, gayunman, saludo pa rin tayo sa kanilang ipinakitang kahandaan para magsakripisyo. Alam nating hindi lang ito pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang asawa kundi pagmamalasakit na rin sa ating mga kababayan.

Nakalulungkot na kinailangang may sundalong anak, asawa, kapatid at mga magulang na magbuwis ng buhay para maproteksiyunan ang pamilya ng nakararami.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page