Folayang, titiyaking hindi mabibigo sa ika-3 tsansa

Susubukang iwasan ni Eduard ‘Landslide’ Folayang na makuha ang ikatlong sunod na pagkatalo sa muling pagbabalik nito sa Mixed Martial Arts fight sa ONE: Masters of Fate sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nais ng 35-anyos na si Folayang na makabawi sa dalawang masaklap na pagkatalo na nagsimula noong Marso at Agosto na nagtapos sa parehong resulta – dalawang first round finish na parehong tinapos sa choking techniques. Nabitawan niya ang ONE Lightweight World Title mula kay Shinya “Tobikan Judan” Aoki sa ONE: New Era sa pamamagitan ng Arm-Triangle Choke sa Tokyo, Japan at sinundan ito noong Agosto sa ONE: Dawn of Heroes na ginanap din sa bansa, nang inakala nitong panalo ay napunta pa sa disgrasya matapos sumuko sa rear-naked choke sa unang round din laban kay dating Lightweight World Champion Eddie Alvarez.
Babangong muli si Folayang sa Nob. 8 laban kay Amarsanaa Tsogookhuu ng Mongolia. “I want to avoid that three straight loss and this fight is so crucial for me because I need to end this year with a win after that two-straight defeat,” pahayag ni Folayang. “I’m looking forward to 2020 so this game is so important to have a good result,” dagdag nito.
Samantala, hiling ni Strawweight fighter Lito Adiwang na maisama ito sa isa sa mga fight cards ng ONE Masters of Fate, matapos ang impesibong debut nito sa TKO victory kay Japanese veteran Senzo Ikeda sa ONE Century Part 1 noong Okt. 13 sa Ryogoku Kokugikan sa Tokyo, Japan. Inamin ng MMA sensation na gusto nitong makasama sina Folayang, at iba pang Team Lakay sa promotional show.





Comments