top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

K-12 dapat lang na rebyuhin

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 24, 2019
2 min read

Kumusta na ang mga graduate ng K-12?

‘Yung iba ay may trabaho na, pero malayo raw sa kanilang inaasahan. ‘Yung ipinangakong magandang trabaho kapag nakagradweyt sa K-12 ay hindi naman daw nangyari. Napunta sila sa mababa ang suweldo, halos hindi magamit ang pinag-aralan at wala ring katiyakan kung mare-regular.

Meron naman nang matapos sa K-12 ay tumuloy pa rin sa kolehiyo. Bukod sa gusto at may kakayahan pang magpatuloy, isa sa kanilang dahilan ay para hindi matulad sa naunang hinaing. Graduate sila ng K-12, pero ang hinahanap sa magandang posisyon ay tapos ng kolehiyo. Eh, kung ang college graduates nga raw ay hirap makahanap ng trabaho na may disenteng suweldo, paano pa raw silang Grade 12 graduates lang?

May iba naman na hindi tinapos ang K-12 at kumayod na para sa pamilya. Sila ‘yung kahit gusto sanang makatapos ay hindi na talaga kaya. Kahit pa sabihin nating libre ang tuition fee, paano naman ang ibang gastusin tulad ng araw-araw na pamasahe, baon, pam-project at gamit sa eskuwela?

Maaaring sila rin ‘yung simula pa lang ay hindi na pabor sa K-12 dahil sa paniwala na ang dagdag na dalawang taon sa basic education ay dagdag-pahirap at gastos lang sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang.

Ilan lamang ito sa mga sitwasyong magpapatunay na kailangang muling pag-aralan ang K-12 Basic Education Program.

Kaya pabor tayo sa desisyon ng mga mambabatas na pangunahan ang nasabing review at mainam na bukas din ang Department of Education (DepEd) sa nasabing panukala.

Makatutulong ito upang mapag-usapan ang mga isyu at magawan ng paraan kung paano masosolb ang iba pang problema sa sektor ng edukasyon mula sa pondo hanggang sa pangangailangan ng mga guro at estudyante para sa mas epektibong programa.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page