Mga bulok na pulis, tanggalin na kesa makapanghawa pa
- BULGAR

- Oct 22, 2019
- 2 min read
Kasabay ng inilunsad na giyera sa ilegal na droga, marami na ring pushers, suppliers at drug lords ang nahuli. Tone-toneladang shabu, cocaine, marijuana at party drugs na rin ang nasabat.
At siyempre, kasama na rin d’yan ang mga binansagang ‘ninja cop’ — mga pulis na sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga. Mga hindi nakuntento sa dobleng suweldo kaya rumaket sa pagre-recycle ng droga.
Batay sa datos ng Philippine National Police (PNP), mula noong Hulyo 2016 hanggang Setyembre 2019, umabot na sa 454 na mga pulis ang nasibak dahil sa ilegal na droga. Kumbaga, ito ‘yung mula nang inilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang war on drugs.
Sa nasabing bilang, 352 ang nagpositibo sa drug test, mga galit kuno sa bumabatak, eh, sila pala itong mga adik! Habang ang 102 ay sangkot naman sa drug-related activities kabilang na ang pagkakanlong ng mga drug lord, hulidap, tanim-droga at kung anu-ano pang modus.
Sa madaling salita, kaya nilang gawing pera ang bato! Marahil, ang sasabihin ng iba ay napakakonti naman ng halos 500 nasibak kung papansinin ang halos araw-araw na naiuulat na mga pulis na nahuhuli dahil sa ilegal na droga.
Pero sa totoo lang, 500, 50, lima o kahit isang pulis na mapatunayang sangkot sa ilegal na droga ay sapat nang dahilan para tutukan ang hanay ng kapulisan. ‘Ika nga, kahit anong ganda o sariwa ng isang tiklis na kamatis, kapag nahaluan ng isang bulok, lahat ay mabubulok din.
Kung noon pa ay naging matindi na ang laban sa droga, noon pang mga nakaraang administrasyon, wala nang ninja cops na nai-promote pa. Wala ring mga drug lord na nagbubuhay-hari sa selda at walang mga inosenteng nabibiktima ng mga karumal-dumal na krimen.
Kumbaga sa sakit, malala na. Hindi na natin alam kung sino ang mga nahawa at gaano na kagrabe ang banta sa lipunan.
Gayunman, hangga’t may 500, 50, lima o isang pulis na tapat at gagawin ang lahat para malinis ang kanilang hanay, may pag-asa pa.





Comments