SCC-Caloocan, champ sa NAASCU
- A. Servinio
- Oct 20, 2019
- 2 min read

Itinanghal na kampeon sa ika-4 na sunod na taon ang Saint Clare College of Caloocan sa Seniors Division ng 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) matapos talunin ang Enderun Colleges, 70-64, sa Philippine Lam-An Sports Complex sa Abad Santos kahapon. Wala pang 24 oras mula natapos ang Game 2 sa Jesus Christ Saves Global Outreach kung saan tinabla ng Enderun ang serye, 80-48, nagharap muli ang dalawang paaralan at sinigurado ng Saints na hindi sila mabibigo ng dalawang magkasunod na beses.
Lamang ng buong laro ang Saint Clare, salamat sa magandang simula na pinamunuan nina Jan Dominic Formento at Mohamed Pare at sa first half na 39-23. Sinikap humabol ang Titans sa likod ng mga tres nina Michael dela Cruz at Austin Veloso at naging isang puntos nalang ang pagitan papasok sa huling 3 minuto sa bisa ng ika-5 tres ni dela Cruz, 62-63, subalit isinalba ni Pare ang Saints.
Ipinasok ni Mark Joseph Nuñez ang dalawang free throw para lumapit muli ang Enderun, 64-66, ngunit sinagot ito agad ng buslo nina Pare galing sa pasa ni Joshua Fontanilla, 68-66, isang minuto sa orasan. Naglaro ng 40 minutos nang walang pahinga si Pare at nagtala ng 18 puntos at 19 rebound at siya ang itinanghal na MVP. Kasama niya sa Mythical 5 si Fontanilla at Titans na sina dela Cruz, Nuñez at Pierre Marie Kouakou habang nakuha ni Coach Jinino Manansala ng Saints ang Coach of the Year.
Samantala, nagdiwang ang Enderun noong Biyernes sa pag-korona ng Lady Titans bilang mga reyna ng Women’s Division sa ika-apat na sunod na taon din. Tinalo ng Lady Titans ang Our Lady of Fatima U Lady Phoenix, 72-62, sa JCSGO. Laro sa Lunes – Philippine Lam-An/ 8:00 Saint Clare vs. Arandia (Jrs).





Comments