top of page

Karapatan ng mga magsasakang magmay-ari ng parte sa bukid na pag-aari ng private sectors

  • Dr. Persida V. Rueda-Acosta
  • Oct 20, 2019
  • 3 min read

Ayon sa Artikulo XIII ng ating Saligang-Batas na isinalin sa Wikang Pilipino, nakasaad ang pagkilala ng estado sa karapatan ng mamamayan sa repormang pansakahan at panglikas na yaman.

Sa Seksiyon 4 ng nasabing artikulo, kinikilala ng estado ang karapatan ng mga magsasaka at regular na manggagawa sa bukid na walang pagmamay-aring sakahang-lupa na tuwiran o sama-samang magmay-ari ng mga lupang kanilang sinasaka.

Sa iba pang mga manggagawa sa bukid, kinikilala rin ng estado ang kanilang karapatang tumanggap ng karampatang kaparte sa mga bunga ng lupang kanilang sinasaka. Tungo sa layuning ito, dapat magpasigla at magsagawa ang estado ng makatwirang pamamahagi ng mga lupang sakahan. Ito ay isasailalim sa mga prayoridad at makatwirang mapananatiling sukat na maaaring itakda ng Kongreso na may pagsasaalang-alang sa mga konsiderasyong pang-ekolohiya, pangkaunlaran o pagkamakatarungan at batay sa pagbabayad ng makatwirang kabayaran.

Dapat igalang ng estado ang mga karapatan ng maliliit na may-ari ng lupa sa pagtatakda ng mga retention limit at maglaan ang estado ng mga insentibo para sa boluntaryong pagbabahagi ng lupa.

Upang maisakatuparan ng estado ang adhikaing ito, isinabatas ang Republic Act No. 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Law of 1998 na inamyendahan ng Republic Act No. 9700. Nakapaloob sa mga ito ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng pamahalaan na naglalayong pagkalooban ang mga walang lupang magsasaka at manggagawa sa bukid ng pagmamay-ari sa mga lupang sakahan. Ito ay upang makibahagi ang mga magsasaka sa mga lupang kanilang sinasaka.

Sa ilalim ng nabanggit na batas, ang lupang sakop nito ay mga sakahang pribado maging ng mga lupaing pagmamay-ari ng estado na ginagamit bilang sakahan.

Ang mga pribadong agricultural landowners na sakop ng programang ito ay mabibigyan ng sapat na kabayaran sa kanilang lupain na kanilang ibinahagi sa mga magsasakang nagtatrabaho sa kanilang lupain na kuwalipikadong maging benepisaryo ng programa.

Sa ilalim ng CARP, walang sinuman ang magmamay-ari ng lupang sakahan ng mas higit sa limang ektarya. Ang bawat anak ng landowner ay mabibigyan ng tatlong ektarya bawat isa kung ang nasabing mga anak ay may edad 15 pataas at sila ay aktuwal na nagtatrabaho sa nasabing lupain o direktang namamahala sa nabanggit na sakahan. (Section 6, R.A. 6657, Retention Limits).

Ang pamamahagi ng lupang sakahan ay isasagawa matapos maisagawa ang nararapat na kabayaran sa mga nagmamay-ari ng lupang sakahan. Sang-ayon sa batas, babayaran muna ng Landbank of the Philippines (LBP) ang may-ari ng lupang sakahan at babayaran naman ng magsasaka sa loob ng thirty (30) annual amortization sa LBP. Ang interest nito ay anim na porsiyento (6%) kada taon. Ang pagbabayad nito ay magsisimula matapos ang isang taon mula sa araw na naipagkaloob ang Certificate of Land Ownership Award Registration o matapos na ang sakahan ay maokupa kapag ang pagkakaloob ng sertipikasyon ay mauuna kaysa sa pag-okupa ng nasabing sakahan.

Lalabas na nakasanla ang nabanggit na sakahan sa LBP at maaaring i-foreclose ito ng bangko kapag hindi nakabayad ang magsasaka ng pinagsamang tatlong taon na pagbabayad (Section 26 of RA 9700).

Nang dahil sa ang mga may-ari ng lupain ay naglalaan ng bahagi ng kanilang pagmamay-ari sa kanilang mga magsasaka sa ilalim ng repormang pansakahan, marapat din na maglaan ang estado ng mga insentibo sa mga may-ari ng lupa sa pamumuhunan ng tinanggap na kabayaran sa programa sa repormang pansakahan upang itaguyod ang industriyalisasyon, lumikha ng mga hanapbuhay at isapribado ang mga negosyo ng public sector. Ang mga kasangkapang pananalapi na ginamit na kabayaran sa kanilang mga lupain ay dapat tanggaping equity sa kanilang piniling negosyo.

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page