Produktong Pinoy, gamitin sa mga hotel at airport para mapansin ng mga turista
- Sonny Angara
- Oct 19, 2019
- 2 min read

May krisis ba talaga sa transportasyon? ‘Ika nga ng suki nating barbero, huwag na raw itanong ang obvious.
Kamakailan, nag-viral si Presidential Spokesperson Salvador Panelo dahil sa pagkasa niya sa “commute challenge” ng taumbayan.
Mixed reactions ang publiko — merong nam-bash, merong okay lang at merong kibit-balikat. May mga nagsabing hindi raw ‘yun kailangan dahil hindi raw mareresolba ng mga challenge-challenge na ‘yan ang problema ng trapik at sistema ng transportasyon natin.
Well, may punto dahil hindi sagot sa mga problema natin ang mga ganitong eksena. Sa mga ganitong panahon, ang kailangan ay totoong aksiyon — ‘yung aksiyong makatutulong sa publiko, lalo na sa komyuter.
Karamihan ng mga komyuter ay mga empleyado at estudyante, sila ang mga pinakaapektado ng patuloy na paglala ng trapiko at bulok na sistema ng transportasyon.
Sa kabila nito, meron tayong suhestiyon, ang pagbuhay sa Pasig River Ferry System. Isa ito sa nakikita nating alternatibo habang hinihintay nating matapos ang infra projects tulad ng Skyway Extension, LRT/MRT line expansions at rehabilitasyon ng PNR. Kung iisipin, hindi kasinglaki ng road infrastructures ang abala sa muling pagbuhay sa Pasig River Ferry System. Sa totoo lang, nakikita nating dahil sa road constructions, mas tumitindi ang pagsikip ng trapiko.
Ito ang ipinanawagan natin sa administrasyon. Asikasuhin ang proyektong ito dahil napakalaking kagaanan nito sa publiko kapag natapos. Ang kailangan lang ay gastusan ng gobyerno ang pagsasaayos ng bawat istasyon at bumili ng mga dagdag-ferry.
◘◘◘
Ang inyong lingkod ay isa sa mga masigasig na nagtutulak sa promosyon ng mga produktong Pinoy sa iba’t ibang panig ng bansa at maging sa labas ng Pilipinas.
Kapag nagagawi tayo sa hotel, una nating tinitingnan ang kanilang comfort room at dito natin makikita ang toiletries.
Kumpleto sa sabon, shampoo, conditioner, toothpaste, tissue, tsinelas at kung anu-ano pa. At mas madalas, ang mga ito ay puro imported.
Pero kung tatak-Pinoy ang toiletries na makikita natin sa mga hotel, hindi ba, nakakataba ng puso? Bakit hindi natin gawin ‘yun?
Magsusuot halimbawa ng tsinelas na gawa sa abaka, alam mo kung saan galing — sa Bikol ‘yan. Meron tayong mga produktong shampoo, conditioner o alcohol na gawa ng home and personal care brand sa Pilipinas. Marami ‘yan sa grocery o supermarkets.
Kaya, nananawagan tayo sa Department of Tourism (DOT), isa sa mga paraan para mai-promote natin ang mga produktong Pinoy ay maglagay tayo ng Philippine products sa mga hotel. Dagsa ang mga turista sa bansa at karamihan sa kanila, nagpapalipas ng ilang araw sa ating mga hotel.
At kung may Pinoy products tayo rito, siguradong magiging interesado sila. Kumbaga, tayo nga, kapag nakakakita ng imported products sa mga hotel, naa-amaze rin tayo at puwedeng ganundin ang kanilang reaksiyon sa mga authentic Filipino product.
Tuluy-tuloy lang dapat ang ating pagsuporta sa sariling atin. Dahil nasa Pilipinas tayo, dapat produktong Pinoy din ang ilagay sa mga lugar na madalas tambayan ng mga dayuhan.
Tiyak, uusbong ang mga produkto ng ating Filipino entrepreneurs sa ganitong paraan.
Liban sa mga hotel, dapat ding puwestuhan ng Go Lokal! at ng One Town One Product (OTOP) stores ang mga paliparan sa iba’t ibang panig ng bansa.





Comments