Pasilidad ng PSC, hindi lang pang-SEAG

Hindi lamang malilimita para sa gagamiting pagdaraos ng 30th Southeast Asian Games ang mga isinaayos na sports facilities na ipinagawa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kundi para na rin sa susunod pang mga torneo.
Tiniyak ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez kahapon na pinaplano nilang buksan ang government sports facilities para magamit ang iba pang lokal at international tournament maging ng collegiate leagues tulad ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at ng National Collegiate Athletic Association (NCAA).
Aniya, ang pagkumpleto ng rehabilitasyon na Rizal Memorial Sports Complex sa Manila, Philsports Sports Complex sa Pasig City at sa Teachers Camp sa Baguio City ay nananatiling inaayos pa rin at matatapos sa Nob. 15.
Makaraang magamit ang mga pasilidad para sa hosting ng bansa sa biennial meet, maari na ring magamit ang mga ito sa mga torneo at liga ayon na rin sa utos ng Pangulo kasabay ng pagsasaayos pa ng ibang government sports facilities sa buong bansa.





Comments