top of page

Pagkain nang sobra, nakakaluslos

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Oct 19, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Sa palagay ko ay meron akong luslos, pero hindi pa ako nakakapagpa-check-up kasi natatakot akong baka operahan ito. Maaari ba itong magamot nang hindi nangangailangan ng operasyon? — Henry

Sagot Ang luslos o hernia ay kondisyon kung saan ang malambot na tisyu o muscle na naglalaman o bumabalot sa abdomen at binguinal area ay napunit o nabutas. Ang pagkapunit nito ay sanhi ng pagbubuhat ng mabibigat na bagay o labis na pag-iri (kung nanganganak).

Maraming klase ang luslos. Ang mga ito ay diaphragmatic, direct/indirect inguinal o groin, umbilical, incisional at femoral.

Ang sanhi ng luslos ay hindi madaling malaman, pero marami ang nagmumula sa mataas na pressure sa loob ng tiyan, mahinang parte sa kalamnan o kombinasyon ng dalawa.

Sa nakatatanda o kababaihan, ang luslos o femoral hernia ay maaaring mangyari sa mga buntis o sa mga nanganak nang maraming beses.

Sa kalalakihan, tinatawag na direct inguinal hernia ang karaniwang nangyayari sa singit kung saan ang mga ugat at parte ng bayag ay dumaraan patungo sa tiyan at patungo ulit sa scrotum. Dahil sa kahinaan ng kalamnan ng tiyan, may parte ng bituka na napapasuot sa daan ng mga ugat na para sa mga ugat ng bayag.

Ang indirect inguinal hernia ay madalas nakikita sa mga bata. Mapapansin ang bukol sa may singit na maaaring umabot hanggang sa bayag. Ang paglabas ng bukol ay maaaring dulot ng pag-iyak o pag-iri ng bata.

Ang ilang sanggol ay ipinanganganak na may luslos. Ang umbilical hernia ay luslos sa may bandang pusod. Ito ay kusang nawawala sa loob ng apat na taon. Kung kakailanganin ng operasyon, mas mabuti kung maghintay na mag-isang taong gulang ang sanggol bago operahan.

Ang incisional hernia ay luslos na nakikita sa bahagi ng tiyan na dating naoperahan. Ang paghina ng bahaging ito ng tiyan ang sanhi nito.

Ang lunas sa luslos ay operasyon. Ito ay tinatawag na herniorrhaphy kung saan pinaliliit o tinatakpan ang butas sa mahinang bahagi ng tiyan.

Narito ang ilang lunas kung ang luslos ay hindi masyadong masakit o sumusumpong:

  • Humiga at iangat ng kaunti ang bahagi na may luslos.

  • Iwasang umiri at umubo upang kusang mawala ang luslos.

  • Mainam na hilutin ang luslos pabalik sa tiyan mula sa bayag.

  • Maaari ring magreseta ang doktor ng pain reliever tulad ng paracetamol o ibuprofen.

  • Iwasang magbuhat ng mabigat.

  • Magsuot ng hernia support underwear, binders, trusses o gumawa ng sinturon para hawakan ang luslos.

  • Para sa kumikirot na luslos, ang paglalagay ng malamig na tuwalya sa apektadong parte ay epektibo.

  • Iwasang kumain nang sobra.

  • Iwasan ang pag-inom ng alak.

  • Huwag masyadong magpaapekto sa stress.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page