Giyera kontra droga, laban ng lahat!

Anak, sex slave ng ama.
Mag-utol pinagtripan, pinagsasaksak ng ina.
Paslit ginahasa, pinatay ng kamag-anak.
Halos araw-araw ay may mga ginagahasa at pinapatay. Ang masaklap, ‘yung lugar na inaasahan nating pinakaligtas, hindi pala. At hangga’t bumabaha ng ilegal na droga, hindi matatapos ang mga karumal-dumal na krimen.
Tulad nito, 88-kilo ng shabu ang nakumpiska kamakalawa sa Samar na kung nakalusot ay ilang buhay na naman kaya ang mapapariwara at ilang krimen ang mangyayari?
Mahigit kalahating bilyong piso ang halaga ng nasabing droga, namumuhunan para makasira ng kinabukasan. Parang walang katapusan o hindi maubus-ubos ang supply. Hanggang sa naglunsad ng giyera kontra ilegal na droga. Ang problema, mismong mga alagad ng batas ay nilamon na ng sistema.
‘Yung mga sangkot sa ninja cops o nagbebenta ng nahuling ilegal na droga, imbes na managot ay na-promote pa! Sino na lang ang aasahan ng taumbayan? May lider tayong galit sa ilegal na droga pero ang mga nakapaligid sa kanya, mas gigil sa pera at kapangyarihan.
Tipong ibalik man ang parusang bitay ay hindi rin uubra hangga’t nasa posisyon sila. Paglalaruan at bababuyin lang nila ang batas. Hindi imposibleng may inosenteng mabitay tulad ng kung paano nakalalaya ang mga drug lord habang may mga nakakulong na tinaniman lang ng ebidensiya.
At dahil kulang ang kakayahan ng gobyerno para tuluyang mapigilan ang paglaganap ng droga, bilang mamamayan, obligasyon nating tumulong. Simulan ito sa ating sarili — huwag maging biktima ng droga. Paiikliin lang nito ang ating buhay at madadamay pa ang iba. Maraming paraan para kumita o makakawala sa problema at hindi droga ang solusyon.
Simulan ito sa ating pamilya. Bilang mga magulang, dapat tayong maging mabuting ehemplo. Tayo rin ang maglalayo sa ating mga anak sa masamang gawain. Hindi man natin sila mabantayan nang buong araw, sapat nang mabigyan sila ng gabay.
Simulan ito sa ating lugar. Huwag matakot isumbong sa mga awtoridad ang ilegal na nagaganap sa ating lugar. Hindi lang para sa ating pamilya kundi para sa lahat ng maaaring biktima at mismong sila na naliligaw ng landas. Bigyan natin sila ng pagkakataong maisalba.
Ang giyera sa ilegal na droga ay hindi lang laban ng gobyerno kundi nating lahat.





Comments