Sagana sa yaman pero hindi na hapi sa mister na super-hirap pakisamahan, tatagal kung pagtitiisan
Dear Maestro, Higit 25 taon na kaming nagsasama ng mister ko na OFW at maganda naman ang financial status namin dahil marami na kaming naipundar. Pero sa totoo lang, pinagpapasensiyahan ko na lang ang ugali niya. Madalas kong nababasa na ang taong otso ay mahirap pakisamahan. Ganu’n siya dahil masyado siyang matapang kaya palagi akong ninenerbiyos at natatakot dahil masakit din siyang magsalita, kahit sa mga konting pagkakamali ko ay nakasigaw agad siya. Pero sabi nga, ang lahat ay may hangganan kaya napagod na ako sa ugali niya. Porke hindi niya nakikita na nagdaramdam ako dahil sa ugali niya dahil ayaw ko ng gulo, namihasa siya at ang hindi niya alam, nakatanim sa puso ko ang lahat ng iyon hanggang sa nawala na ang feelings ko sa kanya. Mahirap pala ang pagsasama na wala nang pag-ibig na namamagitan, wala nang sarap, lalo na pagdating sa sex. Respeto na lang sa sarili ko ang natitira sa akin, pero hanggang kailan ako magtitiis sa ganito? Magtatagal ba kami ng asawa ko at ano ang dapat kong gawin? May dalawa kaming anak.
Umaasa, Mrs. Lonely ng Quezon City
Dear Mrs. Lonely, Alam mo, Mrs. Lonely, kung wala kang ibang karelasyon, pagtiisan mo na lang ang ugali ng asawa mo para sa inyong mga anak. Sa ganu’ng paraan, maaari mo nang tanggapin na ang tangi mong ikaliligaya ay ang makita na successful sa career at pagpapamilya ang iyong mga anak.
Maraming misis na may asawang otso na bagama’t yumaman ay nagtiis at nagpakamartir lang sila para pakisamahan ang taong otso. Dahil sa pagtitiis na iyon, tulad din ng nangyari sa inyong pamilya, sila ay yumayaman at umuunlad ang kabuhayan.
Base sa iyong karanasan, maiisip mo na pantay-pantay lang ang buhay ng tao dahil may mga mag-asawang mayayaman, pero humbak ang kanilang puso at hindi masaya ang buhay ni misis sa piling ng mayamang asawa. Gayundin, may mag-asawa na hindi masyadong pinalad ang buhay, pero kapwa maligaya ang pagsasama ng mag-asawa.
Ang bawat pamilya ay may iba’t ibang pinagdaraanan tulad ng pamilya na hirap na hirap sa buhay, pero maayos at masaya ang kanilang pagsasama, lalo na sa emosyunal at seksuwal na aspeto.
Meron ding may problema sa kalusugan kung saan sa kabila ng napakarami nilang pera, wala ‘yung nagawa upang dugtungan ang may taning na buhay ng isa sa kanilang pamilya.
Hiwalay sa asawa at hindi makatagpo ng panghabambuhay na pag-ibig ang pinapasan ng iba at walang magawa ang kanilang kayamanan para makabili ng masaya at panghabambuhay na relasyon.
Gayunman, ang iba ay labis na katandaan mismo ang pasanin sa buhay. ‘Yung tipong nasa 70 pataas na ang edad at unti-unti nang pinanghihinaan ng lakas, pero takot pa ring harapin ang kamatayan.
Habang ang iba, mismong asawa nila ang kanilang problema na kung hindi nambababae, sobrang batugan at puro bisyo ang inaatupag, pero walang choice ang misis kundi ang manatili para sa mga anak.
Tama ang sinabi ng kuya ko na lahat ng tao ay may pinagdaraanan kung saan ito ay parte ng buhay. Kaya nabubuhay ang tao ay upang pasanin at pagtiisan ang iba’t ibang problema na dinaranas sa araw-araw.
Ang pagiging malikhain sa pagbibigay ng solusyon sa nabanggit na mga suliranin ay ang paraan para masukat ang tunay na pagkatao, gayundin, nahahasa ang pagka-matured at pagiging maligaya.
Kaya, Mrs. Lonely, pag-aralan mong tanggapin nang maluwag sa iyong kalooban ang pasaning ipinagkaloob sa iyo ng tadhana — ang iyong asawa — at kasabay nito, makuntento ka na sa mga biyayang ipinagkaloob sa iyo ng langit.
Gawin mong masaya ang iyong buhay at ituon mo ang iyong pansin sa pag-aaruga sa iyong mga anak dahil kapag naging matagumpay ang iyong mga anak, sila ang magbibigay sa iyo ng bagong saya, habambuhay.




Comments