top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

OFW na trabaho ang hanap, sa kabaong ang bagsak

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 17, 2019
1 min read

ISA na namang overseas Filipino worker (OFW) ang hinihinalang biktima rin ng pang-aabuso bago nasawi.

Batay sa inisyal na ulat, nagpakamatay umano si Mary Jean Alberto sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-13 palapag ng gusaling pinagtatrabahuhan nito sa Abu Dhabi.

Gayunman, duda ang pamilya ng OFW dahil bago ang insidente ay nagsumbong ito na minamaltrato siya ng kanyang among Moroccan. Hindi raw siya pinakakain at halos hindi pinatutulog sa sobrang dami ng trabaho.

Mababasa rin umano sa mga huling text message nito ang pakiusap na sunduin na siya sa bahay ng kanyang amo dahil pinagbibintangan na siya at muntik nang sakalin.

Hanggang sa hindi na nakausap ang ginang at nabalitang nagpakamatay daw ito, bagama’t, patuloy pa umanong iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Abu Dhabi ang kaso ng OFW.

Samantala, nagparating na ng pakikiramay ang ating gobyerno sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), kasabay ang pagtiyak na patuloy ang pag-monitor sa kaso.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang mga opisyal ng embahada sa mga awtoridad sa UAE upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Alberto.

Sabi nila, suwertehan lang ang pag-a-abroad. Hindi tiyak kung mapupunta ka sa mabuting amo o sa mala-demonyo. Pero, kung ganitong halos paulit-ulit nang may naaabuso, namamatay at pinapatay, hindi kaya panahon na para huwag nang sumugal?

Ito ay isa na namang hamon sa ating gobyerno — ang lalong pagbutihin ang mga programa at proyekto para sa mga napipilitang mangibang-bansa.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page