Momshie, hirap ka na bang mag-budget? Tipid tips kapag naggo-grocery
- Justine Daguno
- Oct 17, 2019
- 2 min read

Sa hirap ng buhay ngayon kung saan kaliwa’t kanan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, partikular ang mga pangunahing produkto, napakahirap nang mag-budget. Noon, napupuno ang cart natin sa budget na P1K, pero ngayon, basket na nga lang, iilang piraso pa ang laman. Hays!
Pero, worry no more dahil narito ang ilan sa mga ‘frugal tip’ para sa mga beshy nating shoppers:
1. MAGDALA NG LISTAHAN. Bago pumunta sa grocery, siguraduhing meron tayong dalang listahan dahil ito ang magsisilbing guide natin habang namimili. Make sure na kumpleto ang mga produkto na nasa listahan — walang labis o kulang para hindi madale ang budget.
2. MAGBAYAD GAMIT ANG CASH. Imbes na card, cash ang dalhin kapag mamimili para stick lang sa budget plan o maiwasang bumili ng mga bagay na hindi kailangan o wala sa listahan. Kapag cash ang dala natin, alam natin kung hanggang saan lang ang puwede nating gastusin kumpara sa card na hindi visible o hindi ramdam na nababawasan ang pera natin.
3. DO THE MATH. Hindi kailangang maging Math major para makapag-compute nang maayos. Bilang mamimili, dapat marunong tayo sa basic computation dahil bawat produkto ay may kani-kanyang presyo kaya importante na marunong tayong magkumpara nito lalo na kapag “strict ang budget.”
4. HUWAG MAG-GROCERY NANG GUTOM. Siguraduhing busog o may laman ang tiyan bago pumunta sa pamilihan para maiwasang matukso sa mga pagkain na wala sa listahan. Madalas, dahil gutom tayong naggo-grocery, feeling natin, lahat ng pagkain na makikita natin ay masarap kaya bibilhin mo ito at ang ending, sira ang budget.
5. BUMILI NG GENERIC. Madalas, mataas ang presyo ng produkto hindi dahil sa kalidad nito kundi dahil branded. Hindi nakakain ang brand names kaya kung hindi naman maselan ang pamilya n’yo, puwede tayong mag-try ng mga generic na produkto. Halimbawa, imbes na sa supermarket bumili ng pasta, asukal, ketchup at iba pa, sa palengke na lang tayo bumili.
6. PAG-ARALAN ANG SALES CYCLES. Kung gusto nating makatipid, dapat may ideya tayo sa sales cycle o iba’t ibang marketing strategy ng mga negosyante tulad ng get up to 70%, buy 1, take 1, buy 2 get 1 free etc. Ang mga grocery o supermarket ay may ganitong mga pakulo na puwedeng every month, every cut-off at iba pa.
Pakinabangan natin ang pag-i-scroll sa social media para maging pamilyar sa ganitong promotions dahil may tulong din ito para makatipid.
‘Ika nga, kaunting higpit ng sinturon at tamang diskarte ang kailangan para maka-survive sa buhay dahil kung hindi tayo marunong nito, siguradong ‘nganga’ ang aabutin natin.
Gets mo?




Comments