Tips para maibalik ang tiwala sa sarili
- Twincle Esquierdo
- Oct 16, 2019
- 2 min read

Siguradong lahat tayo ay dumaan sa puntong nawalan ng tiwala sa sarili at dahil dito, palagi tayong nagdadalawang-isip sa paggawa ng mga bagay na gusto natin. Gayundin, hindi nawawala ang takot at pagbaba ng self-esteem kaya madalas, nagmumukmok na lang tayo sa kuwarto.
Bagama’t, hindi ito maiiwasan, hindi tayo dapat manatili sa ganitong sitwasyon kaya mabuting mag-isip tayo ng mga hakbang upang mapagtagumpayan ito at maibalik ang tiwala sa ating sarili. Alamin natin ang mga dapat gawin para maibalik ito:
1. HUWAG MAWALAN NG PAG-ASA. Ang mga pagkakamali sa nakaraan ay hindi dapat maging hadlang para sa mabuting future. I-motivate ang sarili at ipangako na babawi sa susunod na pagkakataon.
Sa ganitong paraan, ang kawalan ng pag-asa ay mapapalitan ng motibasyon para magpatuloy sa buhay at harapin ang mga problema.
2. MAGPASYA KUNG ANO ANG GUSTO MO. Isipin ang mga bagay na gusto mong maabot o mag-set ng goal. Take note, hindi madaling alamin kung ano talaga ang gusto kaya kapag nalaman mo na ang iyong goal, maglaan ng panahon para paghandaan ang pag-abot sa iyong goal, ‘Ika nga, huwag basta-bastang kumilos dahil ang mga nagmamadali ay madalas na nagkakamali. ‘Yun lang!
3. ALAMIN ANG WEAKNESS. Lahat tayo ay mayroon nito at hindi porke weakness ay negatibo ang ibig sabihin. Mga bes, maaari natin itong gamitin para sa ating improvement.
Kung alam mo na ang mga bagay na kayang-kaya mong gawin, it’s time para magpokus ka naman sa mga hindi mo kayang gawin. Kapag na-overcome mo ito, siguradong babalik ang tiwala mo sa iyong sarili.
4. PAG-ARALAN ANG IBA PANG BAGAY. ‘Ika nga, ang pagkatuto sa iba’t ibang bagay ay hindi natatapos kaya mabuting alamin ang mga bagay na puwede mong matutunan.
Halimbawa, ang simpleng pag-aaral ng bagong lengguwahe, kapag natutunan mo ito, magkakaroon ka ng tiwala sa iyong sarili dahil bukod sa mga bagay na alam mong kaya mo nang gawin ay may iba pang bagay na kayang-kaya mo pala.
5. MAGING POSITIBO. Ito ang pinakamabisang paraan para maibalik ang tiwala sa sarili. Kapag may problema ka, sa halip na malugmok, magpokus sa positibong bagay o ‘ika nga, count your blessings. Sa ganitong paraan, madali kang makababangon at lalakas ang iyong loob.
6. LUMAYO KA SA MGA NEGATIBONG TAO. Hindi makatutulong sa iyo ang mga taong negatibo ang pag-iisip dahil lalo kang panghihinaan ng loob. Sa mga panahong kailangan mong maibalik ang iyong tiwala sa sarili, kailangan mo ng mga taong positibo dahil sila ang makatutulong para makabangon ka.
Ang muling pagkakaroon ng tiwala sa sarili ay hindi puwedeng iasa sa ibang tao dahil ikaw lang ang puwedeng gumawa nito.
Kaya mga ka-Bulgar, huwag n’yong kalimutan ang mga tip na ito para maibalik ang tiwala sa sarili.
Okay?





Comments