Babala sa mga naghahanap ng trabaho: Pekeng job offer sa socmed, nagkalat!
- Ryan B. Sison
- Oct 15, 2019
- 2 min read

Nagbigay-babala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga aplikante laban sa mga pekeng social media pages at accounts na nag-aalok ng mga trabaho rito at sa ibang bansa.
Ito ay matapos makatanggap ng DOLE Information and Publication Services (IPS) ng report mula sa aplikante na umano’y inalok ng trabaho ng isang Arthur Villena na nagpakilalang empleyado ng ahensiya. Ayon sa aplikante, nakita niya ang job offer sa DOLE Job Assistance-Local and Abroad Facebook page, gayundin ang iba pang job offer.
Ayon sa DOLE, ginamit ng nabanggit na page ang official logo ng ahensiya, litrato ng mga training at ng dating Labor Secretary Rosalinda Baldoz.
Kuwento ng aplikante, tinawagan niya ang cellphone number na nasa post at sinabihan ni Villena na magbayad ng P1, 000 para sa reservation fee gamit ang mobile money transfer.
Matapos magbayad, nag-set umano ng meeting si Villena sa DOLE Central Office sa Intramuros, Manila, pero wala umanong dumating at hindi sumasagot sa mga tawag niya ang kausap.
Dahil dito, dumiretso sa DOLE ang aplikante at doon nakumpirma na hindi empleyado ng ahensiya ang kanyang kausap at peke ang naturang Facebook page.
Dahil dito, pinaalalahanan ng DOLE ang mga aplikante na dumiretso sa kanilang website na www.dole.gov.ph o PhilJobNet na www.philjobnet.gov.ph at doon maghanap ng lokal na trabaho.
At para sa mga gustong mag-abroad, bisitahin ang website ng POEA na www.poea.gov.ph para maberipika ang lisensiya ng recruitment agency.
Para sa mga kababayan nating gustong kumayod, huwag umasa sa socmed sa halip, dumiretso sa website ng pamahalaan upang makasiguradong hindi masasayang ang oras at pera ninyo.
At para sa mga nananamantala sa kababayan nating desperadong maghanap ng trabaho, please lang, tumigil na kayo! Wala na ngang trabaho, gugulangan pa ninyo gamit ang pangalan ng ahensiya. Tsk!
Paalala sa lahat, maging mapanuri sa mga Facebook group o page na nag-aalok ng mga trabaho bago makipag-usap at magbigay ng impormasyon.
At kapag napansing kahina-hinala ang account, agad itong ipagbigay-alam sa mga awtoridad.
Panawagan sa kinauukulan, mga nag-aalok ng trabaho sa socmed, imbestigahan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments