Albayalde, walang lusot, tuloy ang kaso kahit nag-resign bilang PNP chief
- BULGAR

- Oct 15, 2019
- 1 min read
Naghain na ng non-duty status si PNP Chief Lt. General Oscar Albayalde.
Gayunman, nilinaw ni Gen. Albayalde na miyembro pa rin siya ng Pambansang Pulisya hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino ngayong Nobyembre 8, 2019.
Matatandaang naging kontrobersiyal ang dating PNP chief makaraang akusahang protektor ng tinaguriang “ninja cops” na nag-recycle ng ilegal na droga sa Pampanga.
Gayunman, hindi rito natatapos ang isyu at imbestigasyon kundi ito ay maituturing na isang mahalagang hakbang upang lumabas ang katotohanan.
Pagkakataon din ito para maipagtanggol ni Gen. Albayalde ang kanyang sarili dahil wala na ang kanyang responsibilidad sa kapulisan o hindi na niya aalalahanin na unahin ang kapakanan ng institusyon. Kumbaga, hindi na niya kailangang magsakripisyo para sa integridad ng PNP.
Bagama’t, umalis na sa puwesto, tiniyak ng mga mambabatas na tuloy ang kanyang pagharap sa kasong maisasampa laban sa kanya.
Tuloy din ang pagpapanagot sa mga nagpakasasa sa agaw-bato scheme at patuloy na tutugisin ang iba pang sangkot dito.
Samantala, malaking hamon ang kahaharapin ng susunod na hepe ng PNP. Kailangan niyang magdoble-kayod para linisin ang hanay ng kapulisan, habulin ang mga kriminal at panatilihin ang seguridad ng bayan. At dahil imposibleng magawa ng nag-iisang hepe ang lahat ng ‘yan, kailangang magtrabaho ng lahat — mula sa mga pulis hanggang sa mamamayan.





Comments