top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Panawagan sa mga magulang, libreng bakuna kontra-polio, ‘wag palampasin!

  • Ryan B. Sison
  • Oct 14, 2019
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Simula na ngayong araw ang sabayang patak kontra polio ng Department of Health (DOH) sa ilang rehiyon sa bansa.

Ayon sa DOH, isasagawa ang sabayang patak mula ngayong araw hanggang ika-27 ng Oktubre sa National Capital Region (NCR), Lanao del Sur, Marawi City, Davao City at Davao del Sur.

Ngayong ika-25 ng Nobyembre hanggang ika-7 ng Disyembre naman, isasagawa sa lahat ng lugar sa Mindanao at muli sa NCR habang gagawin ulit sa buong Mindanao ang pagbabakuna sa ika-6 hanggang ika-18 ng Enero.

Target ng ahensiya na mabakunahan ang mga paslit na nasa edad 5 pababa kahit sila ay nabakunahan na o hindi pa.

At paalala ng ahensiya, kumpletuhin ang bakuna ayon sa immunization schedule.

Gayunman, ipinaliwanag ni Health Secretary Francisco Duque na kasama sa mass vaccination ang monovalent vaccines para sa Type 2 polio virus at galing umano sa World Health Organization (WHO) Headquarters sa Switzerland ang naturang bakuna.

Samantala, nananawagan ang DOH sa mga Pinoy na nasa ibang bansa at dayuhan na papasok sa bansa na magpabakuna muna bago bumiyahe.

Hindi umano dapat ipagsawalambahala ang polio, gayung may libreng bakuna naman sa mga government hospital.

Matatandaang, may naitalang kaso ng polio noong nakaraang buwan matapos ang 19 taon nang idineklarang polio-free ang bansa.

Ang hakbang na ito ay dapat seryosohin ng mamamayan dahil nakikita natin ang pagsisikap ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Panawagan sa mga magulang, huwag matakot pabakunahan ang inyong mga anak dahil ang polio ay hindi basta-bastang sakit at maaari itong mauwi sa pagkalumpo at pagkamatay.

Gayundin, huwag dedmahin ang mga ginagawa ng gobyerno ngayon para walang sisihan pagdating ng panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page