Mag-asawang parehong strong ang personality, magtatagumpay lang kung magpapakumbaba ang isa
- Maestro Honorio Ong
- Oct 14, 2019
- 3 min read
Dear Maestro, Mag-iisang taon na akong hiwalay sa asawa at ilang beses na rin kaming nagkabalikan at naghiwalay ulit. July pa nang huli kaming nagkabalikan, pero wala pang dalawang buwan ay muli kaming naghiwalay hanggang sa nalaman ko na may asawa na siyang iba at hindi na ako nakipagbalikan pa sa kanya. Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang itanong kung magkakaroon pa ba ako ng maayos na pamilya at makababalik pa sa abroad? Dati akong OFW at nang humina ang negosyo kong welding shop ay gusto kong bumalik sa abroad. Ano ang dapat kong gawin para muli akong umunlad, makabuo ng bagong pamilya at muling maging maligaya? August 17, 1983 ang birthday ng dati kong asawa at July 1, 1982 ang birthday ko.
Umaasa, Mr. Cancer ng Dalandanan, Valenzuela City
Dear Mr. Cancer, Ang birth date mo na 1 at 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) ng dati mong asawa ay tipikal na ehemplo ng pagsasama ng “strong-strong number” o mag-asawang parehong may strong personality dahil kapwa itinuturing na strong numbers ang 1 at 8.
Ang kadalasang nangyayari sa mag-asawa o magkarelasyon na kapwa may strong number ay tipikal na dumaraan ang kanilang pagsasama sa matitinding mga pagsubok sa buhay.
Ibig sabihin, asahan mo na kapag nagsama ang strong-strong number ay tiyak na may pag-aaway at hindi pagkakaunawaan na magaganap. Sa pinakamalalang sitwasyon, mambababae si mister o manlalalaki si misis.
Pero kung sadyang matibay ang personalidad at pagmamahalan, kailangang magpakatatag ka dahil pagkatapos ng mga bagyo at pagsubok sa buhay, nakatakdang sumilay ang napakaliwanag na umaga na nagbabadya ng malaking pag-unlad at pagyaman.
Dapat ay walang susuko, sa halip, dapat may magpakumbaba kung saan kahit sabihing may strong number ang isa, obligado siyang maging “weak” para sa pagmamahal sa kanyang asawa o pamilya.
At kapag may nagpakumbaba, ang isa roon ay magsisimula ng pag-unlad ng mag-asawa na kapwa may strong number hanggang sa tuluyan nang yumaman.
Kaya kapag nakakita kayo ng mag-asawa na may strong number at hindi pa yumayaman, masasabing wala pang nagpapakumbaba sa kanila kaya hindi pa sila umuunlad. Subalit, kapag ang isa ay lubusan nang nagpaubaya, tiyak ang magaganap, magsisimula ang pagyaman ng mag-asawang kapwa may strong number.
Ngayon, kapag ang mag-asawang may strong number ay nanatiling strong at walang nagpakumbaba o nagpakamartir tulad ng nangyari at mangyayari pa sa buhay mo, Mr. Cancer, walang duda, sa paghihiwalay din hahantong ang nasabing relasyon.
Ngayon, sino ang dapat mong makasama kung sakaling muli kang mag-asawa?
Ang dapat makasama ng may strong number na tulad mo ay ang may weak number para magkaroon ng compatibility kung saan sa ikalawang batas na dati nang tinatalakay, “opposite poles attract each other”.
Kapag nagsama ang may strong at weak number, makabubuo ng enerhiya o kuryente dahil hindi puwedeng parehong negative o positive ang kawad dahil walang enerhiyang dadaloy. Sa halip, ang negative ay kailangang sumalubong sa positive upang habambuhay na sumiklab sa kasaganahan at kaligayahan ang relasyon.
Walang iniwan sa day and night upang makabuo ng araw. Walang iniwan sa pagniniig o pagtatalik ng babae at lalaki kung saan nagsama ang feminine at masculine energy upang makabuo ng baby.
Dahil dito, ang dapat mong matagpuang babae ay silang nagtataglay ng mga numerong 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 5, 14 at 23, sa zodiac signs na Pisces, Capricorn, Scorpio, Virgo at kapwa mo Cancer.
Oo, Mr. Cancer, hindi pa huli ang lahat dahil ayon sa iyong Love Calendar, sa 2020 at sa edad mong 38 pataas, muli kang makapag-a-abroad at sa ibang bansa, makikilala mo ang babaeng nakatakda mong makasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments