Hindi suicide ang sagot, mga ‘tol at sis... Tips para maiwasan ang depresyon
- Twincle Esquierdo
- Oct 14, 2019
- 2 min read

Kawalan ng pag-asa — ito ang nararamdaman natin kapag paulit-ulit tayong nare-reject sa paghahanap ng trabaho, nakararanas ng problema sa pera o paaralan. Maraming dahilan kung bakit nada-down tayo at nawawalan ng pag-asang makabangon pa sa buhay kaya karamihan ng may pinagdaraanan, inaaliw na lang ang sarili para kahit paano ay mabaling sa iba ang atensiyon, pero hindi lahat ay kaya itong gawin.
Gayunman, may mga taong hindi na kinakaya ang mga problema kaya pinipili nilang wakasan ang kanilang buhay.
Kaya para maiwasan ito, narito ang mga dapat gawin kapag may pinagdaraanan:
1. LAHAT AY TEMPORARY. ‘Ika nga, walang pagsubok na hindi natatapos kaya lagi nating isipin na lahat ng pagsubok ay pansamantala lang.
Sa halip na magdrama, mag-isip ng mga paraan para masolusyunan ang anumang pinagdaraanan. Hindi porke hindi oks ang hinaharap mo ay end of the world na.
2. MAG-FOCUS SA GOAL. Lagi mong isipin ang iyong mga pangarap. Paano mo ito maaabot kung susuko ka dahil sa mga problemang nararanasan mo? ‘Ika nga, “Try to tweak the way you view the problem. Keep your eyes on the prize,” para kahit ano ang danasin mo along the way, yakang-yaka mo ito at walang makapipigil sa iyo.
3. TUMINGIN KA SA PALIGID. Isipin mo na hindi lang ikaw ang may problema dahil may mga taong mas matindi ang pinagdaraanan kaysa sa iyo. Hindi sa pagkukumpara, pero dapat kang magpasalamat dahil ang mga problema ay stepping stone para maging matatag ka.
‘Ika nga, “always look at the brighter side of life. No matter how bad things are, there is always good in something.”
4. MAKISAMA SA MGA TAONG PINAGKAKATIWALAAN. Sa mga panahong stressed o depressed ka, huwag mong ilalayo ang sarili mo sa mga taong malalapit sa iyo dahil sila ang makatutulong sa iyo.
Ang kawalan ng taong mapagsasabihan ay isa sa mga dahilan ng pagpapakamatay ng ilan dahil hindi nila nailalabas ang kanilang saloobin o walang handang makinig sa kanila.
Kung meron kang support group na handang makinig, umalalay at magbigay ng advice sa iyo, siguradong mabubuhayan ka ng loob. Sabi nga nila, surround yourself with positive people who will build you up.
5. MAGTIWALA SA DIYOS. Ito ang pinakaimportante sa lahat. Nagkakaroon tayo ng problema pero hindi ito dahilan para sumuko tayo. Sabi nga sa Mateo 11:28, “lumapit kayo sa Akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin at kayo’y bibigyan Ko ng kapahingahan.” Ayon dito, may Diyos tayo na puwedeng lapitan sa oras ng kahirapan at hinding-hindi Niya tayo pababayaan.
Ayan, mga ka-Bulgar, ang problema ay hindi tinatambayan dahil ito ay dapat daanan lamang. Huwag nating pahirapan ang ating sarili na humingi ng tulong sa mga taong pinagkakatiwalaan kapag may mabigat tayong problema.
Harapin natin ito nang may lakas ng loob upang malagpasan. Para sa mga patuloy na lumalaban sa kabila ng lahat ng problema, mabuhay kayo! Copy?





Comments