“Yakapsul”, epektib para maiwasan ang sakit sa puso
- Twincle Esquierdo
- Oct 14, 2019
- 2 min read
No Problem

Gustung-gusto natin ang pakiramdam kapag niyayakap tayo, lalo na kung tayo ay may pinagdaraanan dahil nakapagpapagaan ito ng loob. Pero, bukod pa rito, alam n’yo ba na marami pang benepisyo ang yakap?
Yes, beshy, dahil ayon sa mga eksperto, keri rin nitong makatulong para makaiwas sa sakit. Kaya mga bro at sis, narito ang mga benepisyo ng yakap:
1. NAKAPAGPAPAGAAN NG PAKIRAMDAM. Kapag niyayakap ang tao, nagri-release ng oxytocin ang posterior lobe ng pituitary gland.
Ang oxytocin ay tinatawag ding cuddle o love hormone dahil nari-release ito kapag may kayakap ang tao o nakikipag-socialize.
Gayundin, gumagaan ang pakiramdam kapag sigurado ang indibidwal na siya ay ligtas sa piling ng kanyang kayakap.
2. MAKAIIWAS SA SAKIT SA PUSO. Ayon sa stress management coach and holistic therapist na si Catherine Connor, dahil napapataas ng yakap ang oxytocin level, bumababa ang cortisol at blood pressure. Kung mame-maintain ang blood pressure, mababawasan ang tsansa na magkaroon ng sakit sa puso.
3. MAAYOS NA PAGTULOG. Ang ilang minutong yakap mula sa mahal natin sa buhay ay nagbibigay ng kaginhawahan sa ating pagtulog. Paano?
Ito ay dahil sa kapanatagan na nakukuha natin dahil sa ‘secured feeling’ na naibibigay ng yakap. Sa ganitong paraan, makakatulog tayo nang maayos dahil walang bumabagabag sa ating isipan.
4. NAKAPAGPAPALALIM NG RELASYON. Ang pagyakap ay isang simpleng paraan ng pakikipagkomunikasyon ng mga mahal mo sa buhay. Hindi mo kailangang magsalita dahil sa pagyakap pa lamang ay mararamdaman mo na kung ano ang mensahe sa‘yo ng taong kayakap mo.
Hindi mo kailangang maglasing kapag may problema ka, beshy. Minsan, kailangan mo lang ng makakasama o makakayakap para mabawasan ang lungkot na iyong nararamdaman.
Yakapsul, ganern! Ha-ha-ha! Kaya kapag may pinagdaraanan ka, try mo humanap ng kayakap. Copy? Hi-hi-hi!





Comments