British army-boxer, susubukin ang tibay ni Petecio sa semis

Masusubukan ang tatag ng mga kamao ni Southeast Asian Games-bound Nesthy Petecio laban sa British Army-boxer na si Kariss Artingstall, Sabado ng gabi, sa semifinal round ng 2019 Women’s Boxing Championships, Martes ng hapon, sa Ulan-Ude, Russia.
Ang 27-anyos na 2014 World Championship silver winner ay nakasisiguro na ng bronze medal matapos makatawid sa semifinal round ng featherweight division ng daigin si Sena Ire ng Japan. 4-1 sa quarterfinal match up nito.
Sunod na makakatapat ng tubong-Santa Cruz, Davao del Sur ang 24-anyos na Gunner ng 1 Royal Horse Artillery ng Inglatera na nagwagi laban sa 2016 Rio Olympics campaigner na si Yodgoroy Mirzaeva ng Uzbekistan.
Sa pagtuntong sa semifinals round, iwinasiwas muna ng 2015 Incheon Asian Games campaigner ang mga panalo nito kina Chinese boxer Qiao Jieru sa round of 16 ng preliminary rounds sa iskor na 3-2, ang Olympian, World at European champion na si Stanimira Petrova ng Bulgaria, 3-2 sa round of 32, habang sa panimulang laban nito sa round of 64 elimination round kay Jucielen Romeu ng Brazil, 3-2.
Sakaling magwagi ang 2015 Asian Amateur silver medal winner laban kay Artingstall sa semis ay makakatapat nito sa championship round ang mananalo kina Lin Yu-Ting ng Chinese Taipei.
Si Petecio na lang ang nananatiling Pinay pug sa kompetisyon matapos na malaglag sa laban si bantamweight Aira Villegas, Huwebes ng gabi, laban kay Huang Hsiao-Wen ng Chinese Taipei, 0-5 sa q’finals.
Tanging ang mga nakapasok lang sa semis ang magkakaroon ng tsansa sa medalya.





Comments