top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Mga tamad mag-exercise, hindi nagpapainit at mahilig magyosi, madaling tamaan ng osteoporosis

  • Shane M. Ludovice, M.D
  • Oct 9, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Ang nanay ko ay edad 64 at karamihan sa mga matatandang kakilala namin ay mayroon nang osteoporosis tulad ng tiyahin namin. Normal lamang ba ito sa mga matatanda o maaari rin itong maiwasan? Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? — Lot

Sagot Ang osteoporosis ay karaniwang kondisyon kung saan numinipis at rumurupok ang buto na maaaring maging sanhi ng hindi inaasahang fracture o pagkabali nito.

Ang sakit na ito ay itinuturing na traydor dahil hindi madaling makitaan ng senyales ang pagkakaroon nito. Wala ring pinipiling edad o kasarian ang kondisyong ito sapagkat ang lahat ay maaaring dapuan. Ang pagnipis at pagrupok ng mga buto na may kasamang pananakit at posibilidad ng pagkapilay ay progresibo na nangyayari sa loob ng maraming taon.

Gayunman, ito ay normal lamang na kaganapan sa pagtanda at hindi dapat ikabahala.

Ano ang sanhi ng osteoporosis? Walang nakatitiyak sa tunay na sanhi ng pagrupok ng buto. Ang tanging alam lamang ng mga eksperto ay kung ano ang proseso sa likod ng osteoporosis. Sa buong buhay ng tao, mayroong prosesong tinatawag na “remodeling” o regular na pagpapalit ng mga bone tissues. Ang pagpapalit na ito ay aktibo sa kabataan at nagsisimula namang bumagal pagsapit ng edad 40. Ang mabagal na pagpapalit sa mga lumang bone tissues ang dahilan ng pagkasira ng ilang buto na kapag lumala ay maaaring mauwi sa osteoporosis.

Narito ang ilan sa mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad sa pagkakaroon ng osteoporosis:

  • Kapag may family history ng malalang kaso ng osteoporosis, hindi malayong taglayin din ito ng mga anak.

  • Mataas ng apat na beses ang pagkakaroon ng osteoporosis sa kababaihan kaysa sa kalalakihan.

  • Malaki ang posibilidad na magka-osteoporosis ang mga nasa edad 50 pataas.

  • Ang mga taong magaan ang timbang ay may posibilidad sa pagkakaroon ng osteoporosis, gayundin ang mga taong may maliit na istraktura ng buto.

  • Ang taong nakaranas ng fracture o pagkabali ng buto ay may mataas na tsansa na magkaroon ng osteoporosis.

  • May ilang pag-aaral ang nagsasabing mas marupok ang buto ng mga taong naninigarilyo.

  • Ang pangmatagalang pag-inom ng gamot tulad ng antacids, steroids, anticonvulsants at thyroid drugs ay maaaring makapagparupok ng buto

Paano makaiiwas sa osteoporosis?

Maraming gamot ang maaaring inumin na makatutulong upang manumbalik ang kakulangan ng nutrisyon sa buto, pero kailangan ng reseta ng doktor.

May tatlong bagay na dapat tandaan upang manatiling malusog ang buto: Sapat na calcium, Vitamin D at ehersisyo.

  • Ang calcium na kinakailangan ng katawan ay 1,000mg, pero sa pagtanda, tumataas sa 1,200mg ang pangangailangan sa calcium. Pero tandaan, hindi maaaring sumobra sa calcium sapagkat maaaring magdulot ito ng karamdaman sa bato at puso.

  • Mahalaga ang Vitamin D sa katawan lalo na sa pagpapalusog ng mga buto. Ayon sa mga eksperto, nakukuha ito mula sa sinag ng araw, partikular sa umaga.

  • Ayon sa pag-aaral, maliit ang tsansa sa pagkakaroon ng osteoporosis sa mga taong regular na nag-eehersisyo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page