top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Krisis sa transportasyon, magpa-pasko na, wala pa ring solusyon

  • Bong Revilla
  • Oct 9, 2019
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Itinataya ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ng halos P4 bilyon ang nawawala araw-araw sa ekonomiya ng ating bansa dahil sa matinding traffic. Maliban sa nasasayang na oras sa biyahe ng produkto at raw materials, ang malaking epekto ay dulot ng kawalan sa productivity ng mga manggagawa.

Ramdam na ramdam ang hirap hindi lamang sa Kamaynilaan kung hindi maging sa mga karatig-bayan kung biyahe rin lang ang pag-uusapan.

Kaya may ibang kampo na ang nagsasabing may krisis na sa transportasyon. Nagkapatung-patong na ang mga suliranin na deka-dekadang namuro. Ito ang dahilan sa likod ng matagal nang itinutulak ni DOTr Secretary Art Tugade na Emergency Powers para sa pangulo.

Hindi natin matatawaran ang kakayahan ng mga kasalukuyang nanunungkulan sa DOTr para iresolba sa nais nating solusyon ang kasalukuyang krisis sa transportasyon.

Kung ating mapapansin, nasa ikalawang rehimen na tayo mula nang magbara ang kahabaang ng EDSA at pinagsama-sama na ang halos lahat ng magagaling para iresolba ang problema, pero wala pa rin.

Ayaw nating maging instrumento para mawalan ng pag-asa ang ating mga kababayan na umaasa ng pagbabago hindi lang sa EDSA kundi sa buong bansa na dumaranas na ng matinding trapik.

Ang mga provincial buses, may planong huwag nang papasukin ng Metro Manila, ang mga pribadong sasakyan ay may suhestiyong bigyan ng oras para makadaan sa EDSA, umiiral pa rin ang color coding scheme na tila hindi na umiepekto.

Nand’yang ibinalik sa EDSA ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at nakikiusap naman ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na armasan kahit batuta ang kanilang enforcer dahil hindi umano sila sinusunod ng mga motorista.

Lahat ng paraan, lahat ng ideya, araw-araw ay ipinatutupad ngunit, tulad ng dapat asahan, wala pa ring pagbabago ang sitwasyon ng daloy ng trapiko at tila mas lumalala pa.

Ngayon heto, noong nakaraang linggo ay biglang nahinto ang operasyon ng LRT2 dahil sa sumabog ang bahagi ng Katipunan Station na ang dahilan umano ay tinamaan ng kidlat o posibleng sinabotahe.

Pero hanggang ngayon, wala pa ring opisyal na pahayag ang pamunuan ng LRT2 kung kidlat o sinabotahe ang dahilan, ginawa lang nilang anesthesia sa publiko ang press release na ito kasabay ng pahayag na dapat maghintay ng siyam na buwan ang mga tumatangkilik nito.

Sabihin nating mapaikli ng pamunuan ng LRT2 ang pagsasaayos sa limang buwan, napakatagal pa rin, nakakaawa ang mga taga-Rizal na nagtatrabaho sa Maynila na tren lamang ang pinakamadaling paraan ng biyahe.

Lalo pa at nalalapit na ang Pasko, nakakaawa ang mga nais na magtungo ng Divisoria kung magbibiyahe sakay ng pampasaherong jeep na walang aircon na tinatayang aabot ng dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe mula Cubao hanggang Divisoria.

Kaya sa mga kababayan natin, alam kong dati na kayong nagtitiis, pero sana, dagdagan pa ninyo ang pasensiya dahil naniniwala akong may makikita rin tayong solusyon.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page