Hindi pagkontrol ng galit dahilan ng iba't ibang sakit
- Twincle Esquierdo
- Oct 8, 2019
- 2 min read

Maraming dahilan kung bakit nagagalit ang tao —maaaring dahil sa karelasyon, kapamilya, katrabaho, kaibigan at maliit na bagay dahil hindi natin gusto ang nangyayari o nakikita. Pero, ano ang masamang epekto nito sa atin?
1. NAKAPAGSASALITA NG HINDI MAGANDA. Kapag galit tayo, hindi na natin iniisip o nakokontrol ang ating sarili, gayundin ang ating pananalita kaya nakapagmumura, nanunumbat at sumisigaw tayo para mailabas ang saloobin natin. Ito ang dahilan kaya hindi rin tayo lubos na maunawaan nang taong pinagagalitan natin.
2. NAKAPANANAKIT NG EMOSYON. Para hindi lumala ang pagtatalo, madalas ay nananahimik na lang ang taong napagbubuntungan natin ng galit dahil nakaririnig sila ng hindi magandang salita mula sa atin.
At ‘yun ang senyales na nasasaktan ang kanilang emosyon.Gayundin, dito nagsisimula ang pagkimkim ng sama ng loob sa taong pinagalitan natin. Kaya mas mabuti nang kumalma muna tayo at pag-isipan ang mga dapat sabihin.
3. NAKAPANANAKIT NG PISIKAL. Bukod sa emosyunal, posible rin tayong makasakit ng pisikal dahil umaapaw ang galit sa iyong anak, kapatid o asawa. Dahil hindi natin nakokontrol ang ating emosyon, humahantong ito sa pananakit. Halimbawa, nasagot ka nang pabalang ng iyong anak at dahil dito ay napagbuhatan mo siya ng kamay.
4. NAKAPAGTATANIM NG SAMA NG LOOB. Kapag may napagalitan o napagbuntunan tayo ng galit, nakapagtatanim sila ng sama ng loob nang hindi natin alam.
Kaya para maiwasan ang mga ganitong sitwasyon, mabuting kulmalma tayo at pag-isipan ang mga sasabihin o gagawin natin. Dahil kapag nagtanim sila ng sama ng loob ay hindi rin nila maiiwasan ang makapagsalita o makasakit ng damdamin ng iba at malaki ang posibilidad na hindi mangyari ito kung hindi tayo makapagkokontrol ng ating emosyon.
5. MAKAPAGPAPALALA NG SAKIT. Para sa mga may sakit tulad ng high blood at sakit sa puso, ang galit ay magpapalala sa inyong karamdaman.
Dahil sa hindi n’yo pagkontrol ng inyong galit at may mga posibilidad na ma-hospital kayo nang wala sa oras. Hinay-hinay lang, mga beshie!
Bagama’t, normal ang magalit at maglabas ng saloobin, ilabas o gawin natin ito sa tamang paraan kung saan hindi maaapektuhan ang sinumang nakaalitan, kinagalitan o hindi nakasundo. Ngayong alam n’yo na ang mga epekto ng galit, pag-isipang mabuti ang ating sasabihin at gagawin upang hindi tayo makasakit nang damdamin ng iba.
Okie?
Comments