top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Tabuena, may pagbabanta sa Korona ng Taiwan masters

Eddie M. Paez, Jr.
Oct 7, 2019
2 min read

Photo: @migueltabuena

Nagbabanta na mairehistro ng Pilipinas ang isang back-to-back na kampeonato sa Taiwan golf circuit nang umusok ang palo ni Miguel Tabuena at mahablot ang kalahati ng liderato pagkatapos ng penultimate round ng taunang Mercuries Taiwan Masters sa palaruan ng Taiwan Golf and Country Club sa Tamsui, Taiwan.

Mainit ang limang birdies kontra sa isang bogey ang naging dekorasyon ng 68 ni Tabuena sa pangatlong yugto ng kompetisyong nakalatag sa 6,330 metrong golf course para muling dalhin ang trangko matapos niyang mabitawan ito noong round 2.

Sa pagpasok sa huling round, ang kanyang kabuuang iskor na 10-under-par 207 strokes (67-72-68) ay kapantay lang ng naipakita ni Ajeetesh Sandhu ng India (206) at isang palo sa harap ng nasa pangatlong baytang na si Thai Suradit Yongcharoechai (208).

Bukod pa rito, tumaas ang posibilidad na sa pangalawang sunod na linggo ay isang Pinoy ang magkakampeon sa isang torneo sa Taiwan. Noong nakaraang linggo lang, itinanghal na hari si Tony Lascuna sa 2019 Nanao TPGA Open (Philippine Tour 2) sa Tainan, Taiwan.

Hindi lang sina Lascuna at Tabuena ang mainit ang hataw sa bansang nabanggit.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas, nagpakawala si Daniella Uy ng apat na birdie at isang eagle tungo sa isang 4-under-par 68 sa huling round upang maiposte ang isang top 4 na performance sa pagsasara ng malupit na 2019 Party Golfers Ladies Open sa palaruan ng National Golf Country Club ng Yuanli Township, Miaolu County.

Mula sa pag-upo sa pang-15 baytang noong penultimate round, matamlay ang arangkada ni Uy sa round 3 ng torneong naglaan ng cash pot na $100,000 sa mga papasok sa winners’ circle.

Puro par lang ang nairekord niya sa unang apat na butas. Pero bigla itong nagliyab nang humirit ng birdie sa hole 5, isang eagle sa pampitong butas at birdies pa uli sa hole nos. 8, 10 at 11.

Pagkatapos nito ay pinabagal siya ng dalawang bogey.

Sa kabuuan, pagkatapos ng 3 rounds, nagsumite ang Pinay ng iskor na 212 (74-70-68) para muling maramdaman ng punong-abala ang tikas ng isang manlalaro mula sa Pilipinas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page