Thailand, mabangis, tinalo ang ‘Pinas sa Grand Prix
- Gerard Arce
- Oct 6, 2019
- 1 min read

Nalasap ng Philippine National Volleyball team ang kanilang unang talo sa kamay ng mabangis na Thailand team sa isang straight set, 12-25, 16-25 at 10-25, Sabado ng gabi sa pagpapatuloy ng ng 2nd leg ng ASEAN Grand Prix sa Sta. Rosa Multi-Purpose Gym sa Sta. Rosa Laguna
Muling ipinakita ng Thailand National team kung bakit sila ang nananatiling mabangis na koponan sa Southeast Asia ng iparamdam nila ang dominasyon sa Pinay volleybelles na kinailangan lang ng isang oras at 4 minuto sa kabuuan ng laro.
Isang balanseng atake ang ipinamalas ng Thailand team sa pangunguna ni Kokram Pimpchaya na may 11 points at Sittirak Onuma na may 10 points, habang walang nakakuha ng double digit sa PHL team.
Tanging si Mylene Paat na may 7 points at Frances Molina (6 points) ang nanatiling matatag sa pambansang koponan. Ginampanan ni sole-setter Jasmin Nabor ang tungkulin sa 13 excellent sets ngunit hindi sapat sa mahigpit na depensa ng Thailand na may kabuuang 54 excellent digs.
Hindi nakaporma ang National team sa simula pa lang ng laro nang mangapa ang buong koponan sa pagkawala nina leading scorer Alyssa Valdez at setter Jiah Morado gayundin sina PHL Army Lady Troopers Jovelyn Gonzaga at middle blocker Maddie Madayag dahil may laro ang mga ito sa club-team sa Premier Volleyball League (PVL) sa Iloilo. Pinutakte ng errors ang PHL habang sinamantala ng Thais ang kahinaan sa reception at kakulangan ng koponan na mayroon lamang 10-man players.





Comments