top of page

Hatian ng legal at anak sa labas sa manang maiiwan ng namatay na magulang

  • Dr. Persida V. Rueda-Acosta
  • Oct 6, 2019
  • 2 min read

Ang anak, lehitimo man o hindi lehitimo ay mayroong karapatang magmana sa kanyang mga magulang matapos na ang huli ay sumakabilang-buhay na. Ang anak ay isa sa mga tinatawag na compulsory heirs o sapilitang tagapagmana ng kanyang mga magulang. Ito ay base sa Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad ang mga sumusunod na probisyon:

“Art. 887. The following are compulsory heirs:

(1) Legitimate children and descendants, with respect to their legitimate parents and ascendants;

◘◘◘

(4) Acknowledged natural children, and natural children by legal fiction;

(5) Other illegitimate children referred to in Article 287.”

Sa mga nabanggit na probisyon makikita rito na ang mga anak, anuman ang kanilang katayuan o estado ay pinagkakalooban ng batas ng karapatan bilang tagapagmana ng kanilang mga magulang sa sandaling sila ay binawian ng buhay. Ang karapatang magmana ng mga anak ay napangyayari lamang mula sa araw ng kamatayan ng kanilang mga magulang (Article 777, Civil Code of the Philippines).

Ang mana ng bawat anak ay magmumula sa kabuuan ng ari-arian ng namatay na mga magulang matapos mabayaran ang mga kaukulang gastos tulad ng buwis at bayad sa pagkakautang. Ang mana ng lehitimong anak ay kalahati ng mga ari-ariang maaaring ipamana ng namatay na magulang sang-ayon sa probisyon ng Article 888 ng Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad na:

“The legitime of legitimate children and descendants consists of one-half of the hereditary estate of the father and of the mother.

The latter may freely dispose of the remaining half, subject to the rights of illegitimate children and of the surviving spouse as hereinafter provided.”

Makikita rin sa nabanggit na probisyon ng batas na kapag mayroong hindi lehitimong anak, ito rin ay may karapatang makatanggap ng kanyang mana mula sa kanyang mga magulang mula sa natitirang kalahati ng ari-arian ng namayapang magulang. Ang kabuuan ng mana ng hindi lehitimong anak ay kalahati ng mana ng lehitimong anak (Article 176, Family Code of the Philippines).

Ang mga magulang ay maaaring gumawa ng kanyang last will and testament kung saan maaari niyang isaad dito ang hangganan ng mana ng bawat isa sa mga anak niya. Kinakailangan lamang na sa kanyang pagtatalaga ng bahagi ng mana ng bawat isa, ito ay naaayon sa kung ano ang sinasabi ng batas at pantay ang magiging hatian ng bawat isa sa mga compulsory heirs nito para hindi magkaroon ng tinatawag na preterition. Ang preterition ay ang hindi pagtatalaga sa huling habilin ng isa o lahat ng mga compulsory heirs na nasa direct line.

Kapag ang mga magulang ay nais pawalan ng mana ang kanyang anak sa kanyang huling testamento ay maaari niyang gawin ito nang naaayon sa nakasaad sa batas at babanggitin niya sa kanyang huling testamento ang mga dahilan kung bakit niya pinawawalan ng mana ang anak na kanyang binabanggit (Article 919, Civil Code of the Philippines).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page