top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mga ahensiya ng gobyerno, dapat digitized na ang sistema

Sonny Angara
Oct 5, 2019
2 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Noong mainterbiyu tayo sa isang radio station at tanungin kung ano ang masasabi natin sa mga ipinadalang rekord ng karpeta ng mga bilanggo sa Bilibid ay hindi natin naiwasang madismaya.

“Computer age” na tayo ngayon kaya halos lahat ng dokumento ay naitatago o naitatabi natin sa computer hard drive.

Pero nang hingin ng Senado ang rekord ng karpeta ng mga bilanggo sa Bilibid, kahun-kahon ang idiniskarga sa kanilang service vehicle at ngayon ay binabantayan at relyebuhan ang mga kawani ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Senado.

‘Ika nga ng isang kaibigan natin, “napaka-jurassic”. Kung itinabi o kinopya ‘yan sa computer, ilalagay lang ‘yan sa USB.

Hindi na sila nahirapan sa pagbubuhat, hindi pa sila nagmukhang kulang sa diskarte.

Sa totoo lang, isa sa mga paraan kung paano natin mareresolba ang problema sa mga umaapaw na dokumento at nagsisikipang opisina sa mga sangay ng gobyerno ay ang digitization.

Halimbawa, may hahanapin tayong mahahalagang files, few clicks away lang ay makukuha o makikita na natin ito.

Pero kung manu-mano at hahanapin natin sa paper files, baka wala na tayong magawang iba sa maghapon kundi ang paghahanap na lang sa bungkus-bungkos na papel, baka nawala pa dahil na-misplace.

Marami sa mga ahensiya ng gobyerno, hindi lang ang BuCor ang kailangang magtago ng kanilang mga dokumento.

Sa ilang ahensiya tulad ng Commission on Audit (COA) at Bureau of Internal Revenue (BIR), ang kanilang ‘retention period’ ay umaabot ng 10 taon.

Talagang mapupuno ang opisina nila ng papeles kung hindi digitized o computerized ang kanilang sistema.

Sa pagdinig ng 2020 National Budget ng COA sa Senado kamakailan, isa sa mga hinaing nila ay ang patung-patong na dokumento na naglalaman ng napakahahalagang impormasyon.

Kung bakit hindi pa sila digitized, sabi nila ay wala raw silang pondo para rito.

Totoong may kamahalan ang automation, pero kung parami nang parami ang mga itatabi nating dokumento at kailangan pa tayong umupa ng storage facilities para rito, mas makamumura pa sila sa digitization. Convenient na, wala pang posibilidad na may mawala kang importanteng papeles.

At isa pang positibong resulta ng automation, maiiwasan ang lokohan sa government transactions. Maiiwasan natin ang mga dayaan kung digitized na ang ating sistema.

◘◘◘

Ilang ahensiya na lang ng gobyerno ang patuloy pang sumasailaim sa budget briefing sa Senado sa ilalim ng ating finance sub-committee.

At habang naka-break ang Kongreso, pagsasama-samahin na natin ang mga isinumiteng report ng mga sub-committee na ito para sa pagbabalik ng sesyon ngayong Nobyembre, masimulan na natin ang pag-sponsor sa 2020 National Budget proposal.

Pagsusunugan natin ng kilay ang pagdinig dito kahit palagi pa tayong abutin ng magdamag para lang masigurong maayos nating maipapasa ang Pambansang Budget.

Umaasa rin tayong bago matapos ang taon, malagdaan na ng pangulo ang bagong badyet matapos itong lumusot sa Mataas na Kapulungan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page