Huwag KSP, besh, baka hindi ka na safe... Mga hindi dapat i-post sa socmed, alamin!

Sa totoo lang, parte na ng buhay natin ang social media dahil hindi lang ito portal ng pictures kundi marami rin tayong nakukuhang impormasyon dito. Sa tulong nito, isang ‘click’ lang, ang mga magkakalayo ay napaglalapit. Pero, tandaan natin na ang bawat ‘click’ ay may katumbas na responsibilidad para sa kapakanan natin at iba pang gumagamit nito.
Kaya naman para sa mga tambay sa FB, Twitter at iba pa, narito ang mga bagay na dapat nating iwasang i-post:
1. REGALO NA HINDI NAGUSTUHAN. Kasabay ng pagpasok ng ‘ber months’, ang kabi-kabilang okasyon at siyempre, ilang kembot na lang, Christmas Party na naman! Uso na ulit ang exchange gift, pero kung makatatanggap ka ng regalo na hindi mo bet, huwag mo nang i-post sa social media para iwas-bad vibes saka nakaka-offend ‘yun sa taong nagregalo sa’yo. Easy lang ‘yan, kung ayaw mo, huwag mong gamitin.
2. DRAMA SA PAMILYA. Hindi lahat ng drama sa social media ay binibigyan ng simpatiya, minsan, pinagkakatuwaan lang ‘yan ng iba. Kung magpo-post dahil may namatay kayong kamag-anak at kailangan ma-inform ang iba, puwede pa, pero kung away-mag-asawa, huwag na. Masusolusyunan ang hindi pagkakaintindihan kapag pinag-uusapan kesa ibino-broadcast sa socmed.
3. POLITICAL VIEW POINTS. Kapag panahon ng halalan, nakagugulat dahil biglang dumarami ang political critics, lalo na sa socmed, ‘yung tipong ang dami nilang info, pero hindi naman tayo sure kung legit. Oks lang sumuporta sa kandidato dahil karapatan ‘yun, pero make sure na may katotohanan ang mga pinagsasabi mo. Huwag na tayong dumagdag sa mga nambi-brainwash na trolls, gets mo?
4. DISKRIMINASYON SA RELIHIYON. Tulad sa political views, maging maingat din tayo sa content na may kinalaman sa relihiyon dahil isa ito sa mga pinakasensitibong topic. Meron tayong kani-kanyang paniniwala kaya kung wala ka namang sasabihing maganda tungkol sa pinaniniwalaan ng kapwa mo, shut- up ka na lang!
5. RANTS SA TRABAHO. Friend/follower mo man o hindi sa socmed ang workmates mo, very wrong na mag-rant tungkol sa trabaho mo. Tandaan, ito ang dahilan kaya meron kang pinagkakakitaan kaya maling sinisiraan ito. Kung feeling mo toxic, puwede naman tayong umalis. Lahat ng trabaho ay may advantages at disadvantages at nasa empleyado na kung paano mag-a-adjust dito, ganern!
6. WALANG KATAPUSANG SELFIE. Walang masama sa pagse-selfie dahil form of self expression ‘yan, pero ang mali kapag OA na. ‘Yung tipong maya’t maya ay may bago kang upload, pagpahingahin mo naman ‘yang camera mo, besh! Oks lang mag-express ng sarili, pero make sure na hindi sa “annoying” na paraan.
7. BAWAT GANAP SA BUHAY. Dapat maging responsable rin tayo sa pagse-share ng mga ganap sa buhay, partikular kapag magbabakasyon. Huwag nang i-broadcast ang date ng pag-alis o kailan kayo uuwi at iba pa dahil may posibilidad na malaman ito ng mga kawatan. Puwedeng after na lang ng bakasyon mag-update para safe.
Tandaan, tahimik ang buhay kapag wala tayong nabubuwisit na iba kaya be mindful sa mga ipino-post natin sa social media dahil puwedeng para sa atin ay wala lang ito, pero hindi pala nakakatuwa sa iba.
Copy?





Comments