Squash, motibado sa silver; SEAG torch, nasa ‘Pinas na

Photo: foxsportsph
Magsisilbing malaking motibasyon ang 30th Southeast Asian Games para kay Jemyca Aribado ang silver medal finished niya sa Haining Squash Open 2019 noong Set. 26-29 sa China.
Ang 26-anyos na ranking #91 sa buong mundo ay kasalukuyang numero unong player ng bansa pero yumuko kay world #47 at 8-time Professional Squash Association (PSA) tour champion na si Tong Tsz-Wing ng Hongkong, 3-11, 5-11, 6-11, sa women’s finals. Nakatuntong ang Taguig-native sa finals sa bisa ng pananaig kina Alice Green ng England, 11-9, 11-9, 11-10 sa q’finals at Anantana Prasertratanakul ng Thailand 11-9, 11-9, 11-10 sa semis.
Nalaglag agad sa preliminaries ang isa pang pambato ng Pilipinas na si Robert Andrew Garcia sa men’s division nang sumuko sa 5-set kay Tang Ming Hong ng Hong Kong, 11-8, 11-8, 4-11, 5-11, 11-13.
Samantala, pormal nang tinanggap ng Pilipinas mula sa Kuala Lumpur ang sulo na sumisimbolo ng Southeast Asian Games flame mula sa kamay ng 2017 host Malaysia sa isang handover ceremony bilang pagpapasimula ng pag-host ng Pilipinas na nakatakda sa Nob. 39-Dis. 11. Opisyal na dinaluhan ni Philippine Olympic Committee board member Cynthia Carrion ang pagtanggap ng sulo mula kay Malaysia Olympic Committee president Norza Zakaria kahapon sa isang ceremonial lighting ng torch na nakalatag sa world-class na Bukit Jalil National Stadium sa Malaysian capital.
Pangungunahan ni Philippine South East Asian Games Organizing Committee Chief Operating Officer Ramon Suzara at Commissioner Celia Kiram ng PSC ang pagbubukas ng event bilang countdown sa 11-nation meet sa Nob. 30 sa Philippine Arena sa Marilao, Bulacan. Si Pami ang opisyal na mascot ng 30th SEAG sa seremonya.
Kasama sina Filipino boxer Ian Clark Bautista at taekwondo jin Pauline Lopez sa delegasyon ng Pilipinas. Mula sa Kuala Lumpur, ang sulo ay dadalhin sa bansa at sisimulan ang torch run activities sa Davao City, Cebu City at Clark. Idaraan din sa Senate, House of Representatives at sa Malacanang.





Comments