Karatekas, sumipa ng 2 gold sa Turkey

Nagpamalas ng pambihirang pagganap ang National Karatekas nang sumipa ang mga ito ng limang medalya kabilang na ang dalawang ginto sa International Open Karate Tournament noong Set. 27-29 sa Istanbul, Turkey bilang paghahanda sa na nalalapit na 30th Southeast Asian Games na magbubukas simula Nob. 30-Dis. 11 sa iba’t ibang panig ng Luzon ngayong taon.
Nagtulong-tulong sina Rexor Tacay, Sharief Afif, Ivan Agustin, Jayson Macaalay, Engene Dagohoy, Oliver Manalac at Alwyn Batican para kunin ang unang gold medal sa Men’s team Kumite nang bokyain ang Palestine, Turkmenistan-2 at Russia sa mga iskor na 2-0, habang sinipa rin ng 37-anyos na si Mae Eso Soriano ang isa pang gold medal sa Master 35-49.
Bahagyang kinapos para sana sa kanyang ikalawang gintong medalya si Macaalay ng mabigong talunin si Ozer Omer Abdurahim ng Turkey para sa silver medal ng men’s 67-kilograms individual kumite. Bago makatuntong sa finals, nagawa munang gapiin ng 28-anyos na Pangasinense si Selim Myrat-Durdyev ng Turkmenistan, 8-2 sa first round, habang sunod na tinalo niya ang manlalaro mula Russia, Palestine, Georgia at si Annass Alami ng Morocco.
Ang isa pang teammate ni Macaalay na si Agustin ay nag-uwi rin ng isa pang tansong medalya sa men’s under 21, 67kgs category, habang muli ring nagbulsa si Soriano ng bronze medal kaagapay sina Jamie Lim at Miyuki Tacay sa women’s team kumite nang talunin ang Columbia sa repechage match.
Umaasa ang national team na malalampasan ang 3-silver-4-bronze finish noong 2017 Malaysian Games sa 2019 biennial meet na magsisimula sa Dis. 7-9 sa World Trade Center Hall A-B sa Pasay City.





Comments