Hazing, sana matapos na sa pagpapalit ng lider sa PMA

Nakalulungkot ang nangyari sa Philippine Military Academy (PMA) kung saan isang kadete ang namatay dahil umano sa hazing. Hindi sikreto sa lahat na patuloy ang practice na ito kahit pa mahigpit na itong ipinagbabawal ng Anti-Hazing Law at laganap pa rin ito hindi lamang sa PMA kundi maging sa mga malalaking eskuwelahan at unibersidad sa bansa.
Taos-puso tayong nakikiramay sa pamilya ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio. Tayo ay naniniwala at umaasang mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Dormitorio.
Hanggang ngayon, palaisipan pa rin kung paano nagiging sukatan ang sinasabi nilang “brotherhood” sa pamamagitan ng pananakit at kalimitan ay pagkitil sa buhay ng indibidwal na nagnanais maging miyembro ng fraternity.
Alam nating matagal na itong nangyayari kaya nagdesisyon ang gobyerno at estado na isabatas ang pagbabawal dito ngunit, tila tuluy-tuloy pa rin ang ilegal na gawaing ito.
Natutuwa tayo sa agarang pagbibitiw ng PMA superintendent at ang pagkakatalaga sa dalawang magigiting na opisyal na sina Real Admiral Allan Cusi bilang PMA Superintendent at Brigadier General Romeo Brawner, Jr. bilang PMA Commandant of Cadets.
Tayo ay naniniwala sa nasabing mga magigiting na opisyal na matatapos na ang napakatagal nang tradisyon ng hazing sa PMA.
Umaasa rin tayo ng hustisya para kay Dormitorio sa lalong madaling panahon.





Comments