Bakbakan sa Q'finals ang laban ng 4 team sa NAASCU
- A. Servinio
- Sep 30, 2019
- 1 min read

Magsisimula ngayong umaga ang playoffs ng 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa Marikina Sports Center. Tampok ngayon ang apat na laro sa knockout round ng Seniors Division at lahat ng magwawagi ay tutuloy agad sa quarterfinals sa darating na Miyerkoles sa Caloocan Sports Complex. Ang mga magtatapat ay ang New Era University kontra AMA University at De La Salle Araneta University laban sa Technological University of the Philippines. Pagsapit ng hapon, maglalaro ang Our Lady of Fatima University at Holy Angel University at wawakasan ang araw sa pagtutuos ng Manuel L. Quezon University at Philippine Christian University.
Nagtapos ng numero uno sa Grupo A ang defending Saint Clare College of Caloocan kahit tinalo sila ng OLFU noong Biyernes sa Enderun Colleges, 72-71 at wakasan ang 28 na sunod na panalo ng paaralan buhat pa noong 2017. Nagtabla ang Saint Clare, Saint Francis of Assisi College at OLFU sa 5-1 subalit nanaig sa FIBA quotient ang unang dalawang nabanggit at pasok na sila sa quarterfinals taglay ang twice to beat advantage.
Pinasok ni Christopher Essomba ang lay-up na may 5 segundo sa orasan upang ibalik ang lamang sa Phoenix, 72-71. Binigyan agad ng foul si Joshua Fontanilla at sinablay ang kanyang dalawang free throw para hindi gumalaw ang talaan sabay ubos ng huling 3 segundo.
Sa Grupo B, nasungkit ng Enderun ang numero unong pwesto nang ibigay nila sa Philippine Merchant Marine School ang unang talo ng taon, 80-64. Parehong nagtapos ng 4-1 ang Titans at Mariners subalit nanaig dahil sa panalo ang Titans na runner-up sa Saint Clare noong 2018.





Comments