Alamin: pagkakaiba ng low blood at anemia
- Dr. Shane Ludovice, M.D.
- Sep 28, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ako ay 58 years old at nagtitinda ng isda sa palengke. Nakapagtataka dahil mataas ang presyon ko, pero madalas akong nahihilo at parang nasusuka kaya madalas ay ayoko nang tumayo sa higaan. Meron akong pamangking nurse at sabi niya ay baka anemic daw ako. Magkapareho lang ba ang pagiging anemic at low blood? — Mila

Sagot
Ang anemia ay kondisyon kung saan kulang ang red blood cells (RBC) o hemoglobin ng tao. Ang hemoglobin ay protina sa dugo na responsable sa pangongolekta at paghahatid ng oxygen sa katawan, habang ang mga red blood cells naman ang mga cells sa dugo na may taglay na hemoglobin. Kapag may kakulangan sa RBC o hemoglobin, posibleng hindi sapat ang oxygen na makuha ng katawan at ito ay puwedeng magdulot ng pagiging matamlay, pagkapagod at iba pang sintomas at kumplikasyon.
Maraming dahilan kung bakit maaaring anemic o magkaroon ng anemia ang tao. Ang mga sanhing ito ay maaaring igrupo sa tatlong kategorya: (1) pagkawala o kabawasan ng dugo (blood loss); (2) pagkakaroon ng diperensiya sa pagbubuo ng blood cells sa katawan at (3) pagkasira ng red blood cells.
Narito ang dalawang dahilan ng anemia:
Anemia dahil sa blood loss o pagkawala ng dugo — kasama rito ang mga kondisyon tulad ng ulcer na nakababawas ng dugo sa katawan. Kapag sobra ang dugong nawala kapag may regla o panganganak, ito ay maaari ring maging sanhi ng anemia.
Anemia dahil sa diperensiya sa pagbuo ng red blood cells — maaaring isama ang anemia dahil sa kakulangan ng iron o iron-deficiency anemia. Ang iron ay isang element na mahalagang sangkap para makabuo ng mga hemoglobin. Kaya kung ang katawan ay kulang nito, maaaring hindi sapat ang mabuong dugo. Isa pang karaniwang uri ng anemia na nasa ilalim ng pangkat na ito ay ang sickle cell anemia kung saan iba ang hugis ng mga red blood cells kaya hindi ito gumagana nang tama; imbes na bilog, korteng ‘sickle’ o palayok ang cell.
Anong pagkakaiba ng “low blood” sa anemia?
Kapag sinabing low blood o high blood, ang sinusukat ay ang presyon ng dugo o “blood pressure”. Ito ay hindi katumbas ng pagkakaroon ng anemia bagama’t, maraming tao ang nalilito at napaghahalo ang mga kondisyong ito.




Comments