Alam na, besh! Sex, mabisang pantanggal ng stress
- Justine Daguno
- Sep 28, 2019
- 2 min read

Ang sistema ng tao ay nangangailangan ng napakaraming kemikal para mag-function nang maayos at maging kapaki-pakinabang.
Isa sa mga kemikal na ito ay ang endorphins, ito ay kemikal na nare-release sa tulong ng nervous system upang makayanan ang stress. Madalas itong tinatawag na ‘feel-good’ chemical dahil puwede rin itong pain reliever at happy booster.
Pero siyempre, merong mga dapat ikonsumo o gawin ang tao at narito ang ilan sa mga nakapagpapa-trigger ng endorphins:
1. TSOKOLATE. Maraming benepisyo sa kalusugan ang tsokolate, partikular ang dark chocolate. Bukod sa mayroon itong polyphenols at iba pang antioxidants, nakatutulong ito upang mapababa ang blood pressure, mabawasan ang ‘bad’ LDL cholesterol at ma-boost ang ‘good’ HDL cholesterol.
Hindi lamang nagbibigay ng proteksiyon laban sa mga atake sa puso at stroke ang tsokolate dahil meron din itong kemikal na nagre-release ng endorphin o mood boosting.
2. AROMA NG VANILLA/LAVENDER. Ayon sa pag-aaral ng Memorial Sloan-Kettering Cancer Center, ang mga pasyenteng sumasailalim sa MRI ay kumakalma o nababawasan ang pagkabalisa kapag nakalanghap ng aroma o amoy ng vanilla. Ito ay dahil ang amoy ng vanilla ay natural na endorphin booster.
Sa ibang pag-aaral, napatunayang ang amoy ng lavender essential oil ay natural ding pampakalma at lunas sa insomnia.
3. PAKIKINIG NG MUSIKA. Isa sa mga dapat gawin ng tao kapag nakararamdam ng pagkabalisa o takot ay kumanta o makinig ng musika dahil ang pakikinig sa paborito nating kanta ay nakapagre-release rin ng endorphins.
Ito ay makatutulong upang kumalma ang utak at hindi maglabas ng mga negative thoughts.
4. PAGKONSUMO NG GINSENG. Sa pag-aaral ng mga herbalist, ang ginseng ay nakatutulong upang madaling maka-recover sa pagod ang indibidwal. Nilalabanan ng herb na ito ang stress hormones sa pamamagitan ng pag-enhance ng produksiyon ng endorphins.
Karamihan sa mga runner at body builder, ito ang itine-take upang ma-improve ang kanilang stamina. Ito rin ay nakapagpapa-improve ng mental performance tulad ng memorization at concentration.
5. PAKIKIPAGTALIK. Ayon sa mga eksperto, ang pakikipagtalik ay isa ring endorphin boosting therapy. Ito ay dahil ang paghawak o ‘touching’ ay nakababawas ng stress, nagbibigay ng pakiramdam ng belongingness at seguridad.
Gayundin, nakapagdudulot ito ng iba pang ‘feel good brain chemicals’ tulad ng love hormone na oxytoxin.
Sa panahon ngayon kung saan lahat ay may kani-kanyang drama, sumubok tayo ng mga paraan para kahit papaano ay maging stress-free tayo sa buhay. Okay?





Comments