top of page

Sanhi at mga senyales ng gum disease

  • Dr. Shane Ludovice, M.D.
  • Sep 27, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Sa tuwing nagsesepilyo ako ay napapansin kong may dugo sa aking bibig na masakit at mapula ang aking gilagid. Ano ang dapat kong gawin? Magagamot ba ito ng pagsepilyo lang o pagmumog ng tubig na may asin?

— Jessica

Sagot

Gingivitis ang isa sa mga karaniwang sakit sa bibig. Sa umpisa, halos wala itong sintomas pero nagdudulot ito ng matinding kirot at hirap sa pagnguya.

May iba’t ibang stage ang gum disease. Ang unang stage ay ang “gingivitis” o pamamaga ng gilagid. Ang pagdurugo ng gilagid ay senyales nito. Kung minsan, basta na lang nagdurugo ang gilagid o dahil sa pagsesepilyo at pagpo-floss.

Kapag lumala ang gingivitis, maaari itong mauwi sa “periodontitis”. Sa stage na ito, nagsisimulang masira ang mga bone tissue at gum tissue na sumusuporta sa ngipin.

Ang ilang senyales nito ay mga puwang sa pagitan ng ngipin at gilagid; maluluwag na ngipin; espasyo sa pagitan ng mga ngipin; mabahong hininga; pag-urong ng gilagid kaya nagmumukhang mahaba ang ngipin at pagdurugo ng gilagid.

Ano ang sanhi ng gum disease?

May ilang bagay na maaaring maging dahilan ng gum disease.

Ang pinakakaraniwan ay ang dental plaque o manipis na layer ng bacteria na namumuo sa ngipin.

Kapag napabayaan, puwedeng mamaga ang gilagid. Habang lumalala, ang gilagid ay humihiwalay sa ngipin kaya namumuo sa ilalim ng gum line ang plaque na puno ng bacteria.

Kapag nakarating na rito ang baktirya, lumalala ang pamamaga at sinisira nito ang bone tissue at gum tissue. Ang dental plaque, sa itaas man o sa ilalim ng gum line ay puwedeng tumigas at maging calculus (tartar).

Ang calculus ay puno rin ng bacteria at dahil matigas ito at makapit sa ngipin, mas mahirap itong alisin kumpara sa plaque.

Magagamot ba ang gum disease?

Kapag ang gum disease ay nauwi sa periodontitis, kailangan itong mapigilan para huwag nitong tuluyang sirain ang bone at tissue na sumusuporta sa ngipin. Ang mga dentista ay may espesyal na kagamitang pantanggal ng plaque at calculus sa itaas man o sa ilalim ng gum line.

Narito ang mga dapat gawin para maiwasan ang gum disease:

• Magsepilyo nang hindi bababa sa dalawang beses, araw-araw.

• Gumamit ng toothbrush na may soft bristle at huwag idiin ang pagsesepilyo.

• Mag-floss, araw-araw gamit ang dental floss o kung kailangan, ibang klaseng toothbrush o toothpick na idinisenyo para linisin ang pagitan ng mga ngipin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page